ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo, iniutos sa DOLE na alamin ang pagkakamali sa iniuwing bangkay ng OFW


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inatasan ng Malacanang ang Department of Labor and Employment (DOLE) na alamin kung saan nagkamali at tiyaking hindi na mauulit ang nangyaring insidente kung saan maling bangkay ng overseas Filipino worker (OFW) ang naibigay sa pamilya nito sa Pilipinas. Sa isang panayam ng himpilan ng radyo, sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na ang malaking pagkakamali sa bangkay ay dagdag na pasakit sa mga naulila ng OFW na nagtrabaho at nasawi sa Saudi Arabia. “Namatayan na nga, nagkamali ng katawan. We will ask the DOLE to assist them to make sure the particular person is identified and the remains are delivered to the family," pahayag ng opisyal sa dzRB radio nitong Sabado. Una rito, sinimulan na rin ng mga opisyal ng Pilipinas sa KSA, kung papaano nangyari na hindi bangkay ni Danneily Ubungan ang naipadala sa Pilipinas. Ipinahiwatig ng Philippine Embassy na ang employer ng OFW ang may responsibilidad sa nangyaring insidente. Nakasaad umano sa batas ng KSA, na “shipment of remains of an expatriate worker who died in the Kingdom is the responsibility of the sponsor." “Not only is the employer obliged to obtain all documents required for the shipment, but should also secure the flight to the Philippines. It is also the duty of the employer to proceed to the hospital morgue to release the deceased’s human remains and transport it to the airport," ayon sa embahada. Nakikipag-ugnayan na rin ang embahada sa sponsor at shipper upang matukoy kung saan nagkaroon ng pagkakamali. Ayon sa Migrante Middle East, pumanaw si Ubungen sa Saudi Arabia noong Hunyo kasama ang tatlo pang katrabaho dahil sa pagsabog ng acetylene tank sa kanilang pinapasukan. Sinabi ng Migrante na ang bangkay na nakuha ng pamilya ni Ubengen ay ang mga labi naman ng katrabaho nitong Turkish. — GMA News