ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Love life, inihalintulad ni PNoy sa soft drink


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mula sa “regular," naging “light," at tuluyang naging “zero." Ganito inihalintulad ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang kanyang love life sa isang brand ng soft drink. Sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga Pinoy na nasa Beijing, China, sinabi ng binatang pangulo na labis siyang abala na ayusin ang bansa matapos ang siyam na taong termino ng pinalitan niyang lider na si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. "Nung nawala si Ginoong (dating pangulong Ferdinand) Marcos, nanay ko (si dating pangulong Cory Aquino) pumalit, siya ang nag-ayos. Twenty years later, alis si Ginang Arroyo, ako naman ang mag-aayos. Sabi ko, kawawa naman 'to," ayon kay Aquino. Kasunod nito ay ang kanyang pagbibiro tungkol sa kanyang buhay pag-ibig na inihalintulad niya sa soft drink na madalas niyang inumin. "May nagtanong ho kasi sa akin, sabi niya, 'kamusta love life mo?' Eh ang sabi ko po sa kanya, parang Coca Cola," kwento niya. "Noong araw, 'regular.' Naging 'light.' Ngayon, 'zero.'" Nasa China si Aquino para sa limang araw na state visit kung saan hinikayat niya ang mga negosyante sa nabanggit na bansa na mamuhunan sa Pilipinas. Ang naturang pahayag ng pangulo tungkol sa kanyang love life ay umani ng palakpakan sa tinatayang 2,000 overseas Filipino workers na dumalo sa naturang pagtitipon. Matatandaaan na mismong si Aquino na rin ang nakiusap noon sa media na huwag nang pag-usapan ang kanyang personal na buhay gaya ng kanyang love life. (Basahin: Ang mga babae sa buhay ng binatang Pangulo) Mula nang makipaghiwalay sa dating nobya na si Valenzuela Councilor Shalani Soledad, naugnay si Aquino sa iba’t ibang babae. Kabilang dito ang stylist na si Liz Uy; ang stockbroker na si Len Lopez; at ang guro na si Bunny Calica. – GMA News