ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sa bilang ng mga dayuhan: Tsino, pinakamarami sa Pinas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nangunguna ang mga Chinese national sa bilang ng mga dayuhan na pansamantalang naninirahan sa Pilipinas, batay sa listahan ng Bureau of Immigration (BI). Sa talaan ng alien registration division (ARD) ng BI, umaabot sa 61,689 ang Chinese nationals na nasa Pilipinas na nanggaling sa Mainland China. Ang naturang bilang ay kumakatawan sa halos one-third ng kabuuang 189,448 dayuhan na nakarehistro sa BI hanggang noong July 31, 2011. Ang mga rehistradong dayuhan na napagkalooban ng immigrant o non-immigrant visa ng BI board of commissioners ay binibigyan ng identity card na kung tawagin ay ACR I-Card. Ayon kay Danilo Almeda, hepe ng BI-ARD, sumunod sa mga Chinese ang mga Korean na may bilang 27,543, at pangatlo ang mga American na 24,639. Nasa listahan din ang mga Indian (23,170) at pang-lima ang mga Japanese (8,997). Samantala, inihayag ni Immigration Commissioner Ricardo David Jr., na umaabot sa 91,112 dayuhan ang may hawak ng permanent resident o immigrant visas. Umaabot naman sa 88,490 ang mga non-immigrant. Bukod dito, may 9,846 dayuhan ang napagkalooban ng specialized visa ng ibang ahensiya ng pamahalaan. Sa ilalim ng patakaran, ang mga dayuhan na nabigyan ng visa ay kailangang kumuha ng ACR I-Card na patunay na legal ang kanilang pananatili sa Pilipinas. -- GMA News