ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 dayuhan huli sa black dollar scam sa Bulacan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Dalawang dayuhan na umano’y sangkot sa "black dollar" swindling scam ang nadakip ng pulisya sa isinagawang operasyon sa lalawigan ng Bulacan nitong Huwebes. Sa ulat ng dzBB radio nitong Biyernes, sinabi ni Superintendent Fitz Macariola ng Bulacan provincial public safety company, na isinagawa ang operasyon laban sa dalawang dayuhan batay sa reklamo ng isang biktima. Matapos umanong matangayan ng US$17,400 ang biktima, muling humihingi ng US$10,000 ang mga suspek kaya nailatag ang operasyon laban sa mga dayuhan. "Kinukumbinsi nila ang biktima na magbigay ng ganitong halaga, ihahalo nila sa black dollar. [Ang sabi nila] nilalagyan nila ng chemical ang black dollar na papel na may kasamang original US dollar bills, magiging US dollar lahat," paliwanag ni Macariola sa dzBB radio kaugnay sa modus operandi ng grupo. Bagaman hindi muna pinangalanan ang mga nadakip, sinabi ni Macariola na isa sa mga suspek ay matagal na umanong nasa Pilipinas, habang ang isa pa ay walong buwan pa lamang nasa bansa. Patuloy naman na hinahanap ang ikatlong suspek na kasama ng dalawang dayuhan. Nagagawa umanong makaingganyo ng biktima ang sindikato dahil sa pangakong dodoblehin ang halaga ng perang ipagkakatiwala nila sa grupo. – GMA News