ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga residente ng Marikina, handa na sa parating na bagyo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kasabay sa paggunita sa ikalawang taong anibersaryo ng bagyong Ondoy, patuloy pa rin ang paglakas ng bagyong Pedring. Sa pagkakataong ito, handa na ang mga residente ng Marikina sa susunod na bagyong darating. Ayon kay Marikina Mayor Del de Guzman, handa na ang lokal na gobyerno na harapin ang posibleng pagbaha na dulot sa Bagyong Pedring, na inaasahang tatama sa Luzon ngayong Martes. "Nananalangin tayo na sana ay hindi na natin muling abutin iyong ganoong karanasan, na hindi na tayo masalanta, at kahit umulan, hindi na tayo bahain," ayon kay De Guzman sa isang panayam sa "News To Go" ng GMA News TV. Dagdag pa niya, sa kabila ng pahayag ng state weather bureu na ang bagong bagyo ay hindi katulad sa bagyong Ondoy, ayaw pa rin niya at ng kanyang mga opisyal na maging kampante. Aniya,“Kailangan huwag nating balewalain. Huwag tayong magpabaya. Kailangan lagi nakahanda. Kaya ngayon dito, umaambon pa lang, nagbabantay na kami." Mahigit 68 mula sa 500 kataong namatay dahil sa baha dulot ng bagyong Ondoy noong 2009 ay nagmula sa Marikina. Trauma Sa kabila ng pagiging handa, hindi pa rin makalimutan ng mga residente ng Marikina ang kanilang mapait na sinapit dulot ng bagyong Ondoy dalawang taon nang nakalipas. Ayon kay Lina Senga, residente mula Provident Village, hindi niya mapigilang maluha sa tuwing naalala niya ang pagkasira ng kanyang bahay dahil sa Ondoy, pati na rin ang pagiging stranded niya at ng kanyang asawa at mga apo. "Yung apo ko, ayaw niya pag-usapan. Sinasabi niya, ‘Please don’t talk about it.’ Yung bata, nakita niya lahat ng trauma," pahayag niya sa isang panayam. Isa ang Provident Village sa lubusang napinsala sa bagyong Ondoy, dulot na rin sa pag-apaw ng Marikina River sa mahigit 23 na metro. Kanya ring inilahad kung paano sila iniligtas ng kanilang mga kapitbahay. Aniya, “"Hindi kami pinabayaan ng tao… Nagpapasalamat kami at nanghihingi kami ng awa sa Diyos." Dalawang taong makalipas mula sa insidente, naghanda siya ng isang thanksgiving banquet para sa mga Church-goers upang magpasalamat sa kanilang kaligtasan matapos ang mapinsalang bagyo. Dahil naman sa kanyang trauma dulot sa bagyo, pinili ni JP Mateo, residente ng Marikina na nagsalba ng 10 buhay mula sa pinsala ng Ondoy, na iwanan na ang lugar. Ngunit sa kabila nito, handa pa rin siyang harapin ang panganib makatulong lamang sa mga taong nangangailangan. “Kahit sino naman po talaga na nasa tamang pag-iisip, iyon ang gagawin. Ang disenteng tao, tutulong at tutulong sa oras ng pangangailangan," pahayag ni Mateo sa hiwalay na panayam ni anchor Howie Severino sa News To Go. — AF/RSJ, GMA News

Tags: ondoy, stormondoy