ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Protesta ni Tinga vs Taguig mayor na misis ni Cayetano, umusad na sa Comelec


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Inaksyunan na ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang electoral protest na inihain ni dating Supreme Court Associate justice Dante Tinga laban kay Taguig City Mayor Ma. Laarni Cayetano, asawa ni Sen Alan Peter Cayetano. Sa ipinalabas na kautusan ng Comelec First Division na may petsang Setyembre 30, ipinakuha nito ang 47 ballot boxes na magsisilbing pilot precincts sa gagawing recount na itinakda sa Oktubre 27 at 28, at Nobyembre 2 at 4. “(The Division resolves to) retrieve the contested ballot boxes included in the pilot precincts following the scheme of collecting 10 ballot boxes a day every morning of the recount proceeding from its present storage area in Taguig City Hall Auditorium to the recount venue at the Comelec – Project management Office (Ground Floor, Palacio del Gobernador) and returning the recounted ballot boxes to Taguig at the end of the day," nakasaad sa kautusan. Ang first division na pinamumunuan ni Commissioner Rene Sarmiento, ay naunang lumikha ng five recount committees na magsasagawa ng muling pagbibilang ng mga boto. Inatasan naman ang mga tauhan ng Philippine Marines Corps na siyang magbibigay ng seguridad sa pagkuha at pagbiyahe ng mga ballot boxes. Tinalo ni Mayor Cayetano si Tinga noong nakaraang May 10, 2010 sa posisyon ng pagka-alkalde sa Taguig, na may kalamangan lamang na 2,420 boto. Ngunit duda si Tinga sa resulta ng halalan kaya naghain ng protesta sa Comelec at humingi ng recount. Naunang nagbigay ng utos ang Comelec Second Division na kunin ang mga balota para sa recount pero hinarang ito ng mga Cayetano. Inakusahan ng mga Cayetano na may kinikilingan ang mga miyembro ng second division at hiniling nilang ilipat ang usapin sa first division. Matapos ang magpulong ang commission en banc noong Abril, pinagbigyan nito ang kahilingan ng mga Cayetano na ilipat sa first division ang protesta ni Tinga. Nitong Miyerkules, inaprubahan ng Commission on Appointments (CA) ang kumpirmasyon ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, na ilang ulit ding hinarang ni Cayetano. -- GMA News