ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Plaka sa helmet, ‘di raw epektibong panlaban sa krimen


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Hindi pa man nasusubukan, inihayag ng isang senador na hindi magiging epektibo sa paglaban sa krimen ang paglalagay ng plate number ng motorsiklo sa helmet na suot ng taong gagamit ng naturang sasakyan. Nitong Miyerkules, sinabi ni Sen. Gregorio Honasan, na kasamang napag-usapan ang paglalagay ng plate number ng motorsiklo sa helmet nang talakayin sa kapulungan ang ‘helmet law’ na inihain ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. Sa ginawang deliberasyon, napagkasunduan umano ng mga mambabatas na ibasura ang paglalagay ng plaka sa helmet dahil sa paniwala na hindi ito ang solusyon sa lumalaganap na krimen na kinasasangkutan ng mga suspek na gumagamit ng motorsiklo o ang tinatawag na "riding in tandem." “Kung gagawa ka ng krimen na ‘yan, hindi ka naman gagamit ng baril na rehistrado, most probably gagamit ka ng carnap, mang-aagaw ka ng motor, gagamitin mo sa krimen tapos itatapon mo na," ayon kay Honasan. “So yung helmet ‘pag itugma mo ‘yan sa plaka, puwede pero kung kriminal ka, may masama kang balak eh bakit ka dadaan sa checkpoint? Bakit ka gagamit ng helmet na maa-identify ka?," dagdag ng senador. Una rito, iminungkahi kamakailan ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, sa Land Transportation Office (LTO) na pag-aralan ang paglalagay ng malaking license plate sa mga motorsiklo at control number o letra sa mga helmet na madaling makikita. Naniniwala si Barbers na sa ganitong paraan ay magkakaroon ng pagkakakilanlan ang mga suspek na masasangkot sa krimen kahit hindi nila hubarin ang kanilang helmet. Dagdag pa ng dating kongresista, maaaring ituring na bahagi ng sasakyan ang markadong helmet na dapat ireport ng may-ari sa pulisya at LTO kapag nawala o sadyang ninakaw para maialarma kung sakaling gamitin sa kasamaan. “Kailangang mag-isip tayo ng paraan para matulungan ang ating kapulisan sa pagtugis sa kriminal na gumagamit ang motorsiklo. At the same time, yung mark helmet makatutulong din sa mga matitinong rider para madali silang ma-identify sakaling maaksidente sila o magkaroon ng aberya," paliwanag ni Barbers. Bukod sa nasasangkot sa snatching ang mga nasa riding in tandem, motorsiklo na rin ang karaniwang gamit ng mga assassin. Noong nakaraang linggo, binaril at napatay ng mga suspek na sakay ng motorsiklo ang opisyal ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na si Augustus Fernandez Cezar sa Sta. Mesa, Manila. Aminado naman si Honasan na hanggang ngayon ay wala siyang naiisip na solusyon para masugpo ng Philippine National Police (PNP) o mapigil ang mga kriminal na sangkot riding in tandem. Sa ngayon, kailangan lamang umanong triplehin ng mamamayan ang kanilang pag-iingat. “Doblehin natin o triplehin ang public information para mag-ingat hanggat hindi tayo nakaka-develop ng intelligence," payo ni Honasan. - GMA News