ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, gustong patalsikin dahil sa ‘di pagpayag sa bigyan ng military honors si Marcos


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
MANILA – Nais ni Atty Oliver Lozano na matanggal sa puwesto si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III dahil sa ‘di nito pagpayag na bigyan ng full military honor si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. kapag inilibing. Sa kanyang impeachment complaint na ipinadala umano sa Kamara de Representantes sa pamamagitan ng koreo, inakusahan ni Lozano si Aquino na lumabag sa equal protection clause ng Saligang Batas. Partikular na tinukoy ni Lozano ang paglabag ni Aquino sa probisyon ng Bill of Rights at sa kanyang Oath of Office, dahil sa pagbasura nito sa rekomendasyon na bigyan ng military honors si Marcos na isang beterano ng digmaan at dating lider ng bansa. “If other lower ranking military officers were buried with military honors, President Marcos is also entitled to be buried with military honors," nakasaad sa reklamo ni Lozano, kilalang Marcos loyalist. Batay sa isinagawang konsultasyon ni Vice President Jejomar Binay, alinsunod na rin sa utos ni Aquino, bagaman hindi papayagan si Marcos na mailibing sa Libingan ng mga Bayani, dapat naman itong bigyan ng full military honors kapag inilibing na sa kanyang lalawigan sa Ilocos Norte. Gayunman, hindi tinanggap ni Aquino ang rekomendasyon na bigyan ng military honors ang dating diktador. Ang naturang desisyon ni Aquino ay mariing binatikos ng mga anak ni Marcos at inakusahan na mistulang moro-moro ang utos nito kay Binay na magsagawa ng konsultasyon. Hindi lulusot Kasalukuyang naka-bakasyon ang Kongreso kaya hindi pa tiyak kung natanggap na ng liderato ng kapulungan ang reklamong ipinadala ni Lozano. Ngunit duda ang mga kongresista – maging ang mga kritiko ni Aquino – kung makalulusot ang impeachment complaint ni Lozano dahil na rin sa “track record" nito sa mga isinampang reklamo noon laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “Judging from his previous complaints which were lousy pleadings anyway, I'm not sure if his current complaint will prosper," ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares. Tinawag naman ni Cibac party-list Rep. Sherwin Tugna, na “baseless and ridiculous" ang reklamong inihain ni Lozano. “Nobody takes Atty. Lozano seriously. Instead of contributing to our nation positively, he is a nuisance," patudsada niya kay Lozano. Sinabi naman ni Samar Rep. Ben Evardone na, “the move of Lozano is an exercise in futility. I strongly believe that Congress will not entertain. It will just be a waste of time if we give due course to it. Baka di nga umabot ‘yan ng first base. It will only distract us from more urgent issues." Minaliit ng Palasyo Sa Malacanang, minaliit ng mga opisyal ni Aquino at tinawag na aksaya ng panahon ang reklamong inihain ni Lozano sa pangulo. “The complaint is utterly baseless, nothing further," nakasaad sa text message sa media ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, nitong Huwebes. Idinagdag naman ni Sec Ricky Carandang ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office, na hindi dapat pag-aksayahan ng panahon ng lehislatura ang reklamo. “Mr. Lozano's impeachment complaint against the President is absurd on so many levels. Let's not waste Congress' time with this," aniya. - GMA News