We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Pinagsasaksak ang ama ng Pinay international singing sensation na si Charice Pempengco sa Barangay Laram, San Pedro, Laguna nitong 11:30 p.m. ng Lunes, ayon sa ulat ni Katrina Son para sa "Unang Balita" ng GMA News. May isang lalaki umanong lumapit sa ama ni Charice na si Ricky Pempengco nang bigla itong pinagsasaksak, kwento ng isang saksi na humiling na huwag siyang pangalanan. Sabay umano bumili sa tindahan ang biktima at ang suspek na si Angel Capili Jr. nang biglang pinagsasaksak ni Capili si Pempengco gamit ang isang patalim. Agad na tumakas ang suspek matapos ang pananaksak. Hindi na naitakbo sa ospital ang biktima sapagkat agad din siyang nabawian ng buhay sa pinangyarihan ng krimen. Ayon sa kapatid ni Pempengco na si Russel Mejia, hindi umano kilala ng kanyang kapatid ang nasabing suspek. "Gusto ko sana sumuko ka na. Syempre, alam mo naman 'pag 'yung nawalan ka rin ng pamilya, mararamdaman mo rin siguro ang nararamdaman namin," ani Mejia. Mula sa inisyal na imbestigasyon ni Supt. Kirby John Kraft ng San Pedro Philippine National Police, sinaksan ng suspek si Pempengco sa dibdib at sa likod. Aniya, "Initially, may dalawang butas siya sa dibdib at isa sa likod." Sa ngayon, kasalakuyan pang pinaghahanap ang suspek.
Charice, bumuhos ang emosyon Sabay sa pagkamatay ng kanyang ama, nagbuhos ng sama ng loob sa kanyang Twitter account si Charice laban sa mga kapatid ng kanyang ama. "Matagal akong naging tahimik sa mga eskandalong ginagawa nyo. Pero ngayon, di ko na kaya pati sa pagkamatay nya GANYAN PARIN KAYO. Hindi ako takot. Lalo na sa mga taong walang respeto," ani Charice sa Twitter. Humingi naman ng tawad si Charice sa kanyang mga fans sapagkat hindi umano siya makadalo sa David Foster and Friends concert sa Singapore. "I am very sorry to all my fans from Singapore. I am not going to be there to be part of David Foster and Friends concert. I have to go back to the Philippines as soon as possible to be with my family. I hope you all understand. I love you all and I will see you next year," aniya. Ayon kay Charice, inihayag umano ng mga kapatid ng kanyang ama na wala siyang karapatan magsalita sa pagkamatay ng kanyang ama. "Sino kayo para sabihing masaya ako sa pagkawala ng SARILI KONG AMA? Kapatid lang kayo at ako ay ANAK," anya. Dagdag pa nito, nilabas niya ang kanyang mga naunang sama ng loob sa magkakapatid nang hindi siya pinayagang bisitahin ang kanyang ama. "Hindi pinagbawal ni mommy na dalawin ang daddy namin pero HINDI NYO KAMI PINAYAGAN. Wala kayong respeto sa PAMILYA NYA para sabihin nyo yan ngayon! Imbis na ayusin nyo, sinisira nyo pa" ani Charice. Inihayag din ni Charice sa kanyang Twitter account, sa gabi ng pagkamatay ng kanyang ama, may nakilala siyang kamukha ng kanyang ama. "Di ko alam na nagpaparamdam na pala sya," aniya. Sa kabila umano ng pagkahiwalay nila ng kanyang ama, inamin ni Charice na naging maganda ang kanilang relasyon. "Gusto ko lang malaman nyo, na we had a really great relationship bago nangyari lahat ng gulo. Sinabi niya sa akin nung ako'y bata pa na hindi actually alam ni mommy, gusto nya akong maging sundalo kasi sabi niya matapang daw ako. I loved him and I will still love him. He's still my Dad after all," ani Charice. â Amanda Fernandez/RSJ, GMA News