ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na malalaking sasakyan, nagkarambola sa Bataan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
BALANGA City, Bataan – Apat na malalaking sasakyan na kinabibilangan ng dalawang tanker ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) ang nasangkot sa karambola sa Roman Superhighway sa bayang ito nitong Biyernes. Masuwerteng walang malubhang nasaktan sa naganap na aksidente na kinasasangkutan ng dalawang tanker truck na kinakargahan ng Liquefied Petroleum Gas (LPG), at dalawang delivery trucks. Ayon kay Ariel Salamera, residente ng Balanga City, drayber ng KIA delivery truck, palabas na siya sa lungsod at nakasunod sa dalawang LPG trailer tanker na papuntang Mariveles. “Tumama sa biglang humintong trailer ang parating na isang delivery truck ng bigas, nawalan ng kontrol kaya bumangga sa trak ko," kwento ni Salamera habang itinuturo ang wasak na tagiliran ng kanyang KIA. Paliwanag naman ni Rodel Albino, residente ng Gapan, Nueva Ecija at drayber ng Elf truck, biglang nagpreno ang trailer truck kaya nabangga niya ang tagiliran nito. Nag-ugat ang aksidente nang iwasan umano ni Joseph Sarmiento, residente ng Ilocos Norte, drayber ng nauunang LPG tanker, ang isang tricycle na biglang sumulpot sa kanyang harapan nang mag-overtake ang sinusundan niyang van. Upang hindi masagasa ang tricycle, napilitan umano si Sarmiento na bilang magpreno na dahilan ng pagbalagbag ng kanyang trak sa highway at nagresulta sa karambola. Naiwasan ang matinding trahedya dahil nagawa ni Ronald Sagun, residente sa Isabela, at drayber ng pangalawang LPG tanker, na makapagpreno kaagad upang hindi masalpok ang sinusundang LPG tanker. -- E.Esconde/FRJ, GMA News