ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Social media, gagamitin ng mga estudyante para sa RH Bill


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nangako ang mahigit 3,000 estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa na gagamitin ang lahat ng social media upang kalampagin ang Kongreso na pagtibayin ang panukalang Reproductive Health Bill na nakabinbin sa loob ng 10 taon.

 
Sinabi ng mga estudyante na dumalo sa ginanap na Forum for Family Planning and Development na pinangunahan ni Sen. Miriam Defensor-Santiago, na gagamitin nila ang Facebook, Twitter at YouTube upang ipaabot sa Kongreso ang kanilang kahilingan pabor sa RH Bill.
 
Sinalubong ni Muntinlupa Mayor Eldrin San Pedro and senadora na isa sa special guest ng pamantasan.   
 
Kasama ni Santiago sa naturang symposium si Heart Evangelista, isang RH advocate.
 
 “Tapusin na natin ito!” ayon pa kay Santiago sa kanyang speech na naghudyat ng standing ovation mula sa mga estudyante.
 
Sinabi ng mga estudyante na layunin nilang patunayan ang tinaguriang youth vote, at pasubalian ang tinatawag na Catholic vote.
 
 Ayon sa mga lider-estudyante na nangunguna sa forum, para sa kanilang henerasyon ang RH bill dahil sila mismo ang aani ng benepisyo nito.
 
Samantala, sinabi naman ni Santiago na napagtagumpayan ng mga kritiko ng RH bill na iaantala ang debate sa panukala na ngayon ay nasa "period of interpellations" na.
 
“Normally, the period of interpellation is followed by the period of amendments.  So we shall try to file a motion to move to the period of amendments, after which voting will follow,” aniya.
 
Dahil dito, kinondena ng mga estudyante ang “delaying tactics” ng ilang senador sa pamamagitan ng litanya ng mga tanong kabilang ang hinggil sa komposisyon ng contraceptive pill. — LBG, GMA News