Comelec, haharangin ang mosyon para ipa-house arrest si Arroyo
Nagbanta ang Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes na haharangin nila ang anumang mosyon na hihiling na ipa-house arrest si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay pa rin sa kasong kinakaharap nito. Ayon kay Comelec chairman Sixto Brillantes, ipipilit nila na sa isang government facility manatili si Gng. Arroyo, na nahaharap sa kasong electoral sabotage, at hindi sa kanyang bahay sa Quezon City o sa isang pribadong ospital. “Ang preference namin is Southern Police District kasi within the jurisdiction of the [Pasay Regional Trial Court],” ani Brillantes. “Hindi kami papayag na private hospital, hindi kami papayag [na] residence.” Aminado naman si Brillantes na korte lamang ang makapagdedesisyon kung saan dapat manatili si Gng. Arroyo, na ngayo’y naka-hospital arrest sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City. Kaugnay nito, naghain sa Pasay Regional Trial Court ang kampo ni Gng. Arroyo ng dalawang mosyon na humihiling na payagan ang dating pangulo na sumailalim sa house o hospital arrest. Ayon sa isang abugado ni Gng. Arroyo na si Laurence Arroyo, respeto lamang ang kanilang hiniling at hindi “preferential treatment” para sa dating pangulo. “We are not asking that she be given preferential treatment but just to give her the respect due her because of the office that she held," aniya. No ordinary citizen Nakasaad sa mosyon na resonable umano ang kanilang kahilingan na payagan si Gng. Arroyo na sumailalim sa house arrest. "President Arroyo is no ordinary citizen. The Lady of Justice may be blind in weighing the evidence but she cannot close her eyes to the fact the person before her is no ordinary person… Thus, while her term have ended, her stature as a former president has not diminished and her long public service cannot be disregarded," anang petisyon. Ayon sa abugado, hiniling nila sa korte na payagang manatili si Gng. Arroyo sa kanyang tirahan sa La Vista, Quezon City. Handa naman ang Comelec na harangin ang nasabing mosyon. “We will oppose it as soon as we receive the copy of the motion," ani Brillantes. “Kaya nga hindi pa kami nagko-comment kasi hindi pa namin alam kung ano yung laman ng kanyang [petition]. Hindi ko alam ‘yung ibig sabihin ng house arrest. House arrest ba dun sa bahay nya?" dagdag pa niya. Kasabay nito, nag-inspeksyon naman ang korte nitong Lunes sa ilang posibleng paglipatan ni Gng. Arroyo tulad ng lounge ng Southern Police District, at tatlong pampublikong ospital sa Metro Manila. ‘Accepted detention measure’ Samantala, ayon sa isang kaalyado ni Gng. Arroyo sa Kamara na si House Minority Leader Edcel Lagman, katanggap-tanggap naman na pamamaraan ang house arrest upang masigurado ang kaligtasan ng akusado. “House and hospital arrests are accepted detention measures in lieu of prison confinement, particularly during the pre-trial and pre-conviction phases of criminal prosecution,” aniya. Dagdag pa niya, may ilang kilalang tao sa kasaysayan ng mundo tulad nina Aung San Suu Kyi ng Myanmar, Augusto Pinochet ng Chile, at kahit si Galileo Galilei, ang sumailalim sa house arrest. Ayon kay Lagman, maaaring sumailalim si Gng. Arroyo sa house arrest sapagkat kasalakuyan pang kinukwestiyon ang constitutionality ng joint panel ng Department of Justice at Comelec na nag-imbestiga sa election sabotage complaint sa dating pangulo. — KBK, GMA News