11-anyos na lalaki, natusok ng kawayan sa puwet
Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 11-anyos na batang lalaki matapos siyang mahulog sa puno at matusok ang puwet sa kawayan na ginawang bakod sa Pangasinan. Kaagad na isinugod ang bata na itinago sa pangalang “Boyet" sa Pangasinan Provincial Health Hospital. Sa ospital, hindi mapigilan ng ama at mga kapatid ni Boyet na maiyak dahil sa awa sa kanyang sinapit. Kuwento ng mga saksi, umaakyat ng puno si Boyet sa Brgy. Hacienda, Bugallon, Pangasinan, nang mahulog ito at bumagsak sa kawayang bakod. Ilang piraso ng kawayan na nakuha sa puwet ng biktima ay sinasabing umabot sa kanyang pantog. Dahil dito, kinailangang butasan ang kanyang tagiliran para doon ipadaan ang kanyang ihi at dumi. “Nawalan ng dugo at baka ma-infection. Kailangan niyang labanan ‘yun," paliwanag ni Dr. Lordwin Posadas ng Pangasinan Provincial Health Hospital. Dahil sa kondisyon ng bata, inaalalayan pa ito ng oxygen. Namimilipit din siya sa sobrang kirot ng tinamong sugat. Nanawagan naman ng tulong ang ama ng bata upang maipagpatuloy ang pagpapagamot sa anak. – Cutorida, Glam Calicdan/FRJ, GMA News