Mendiola, ang paboritong pagdausan ng protesta
Kilala niyo ba kung kanino ipinangalan ang kalyeng Mendiola sa Maynila na paboritong lugar na pagdausan ng mga protesta para ipaalam sa gobyerno ang kanilang hinaing. Sa nakalipas na maraming taon, naging saksi ang Mendiola sa maraming uri ng protesta na isinagawa ng iba’t ibang grupo na may nais iparating sa pamahalaan. Paboritong lugar na pagdausan ng protesta ang Mendiola dahil malapit ito sa opisina ng pangulo – ang Malacanang. Ilan sa mga rally sa Mendiola na nauwi sa karahasan ay ang tinawag na, "The Battle of Mendiola Bridge" noong 1970. Ilang kabataang demonstrador ang nasawi nang iprotesta nila ang ipinataw na martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Dumanak naman ang dugo ng ilang magsasaka na nagprotesta rin sa Mendiola noong 1987 nang isulong nila ang repormang agraryo noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino. Ang Mendiola ay ipinangalan sa educator at newspaper editor na si Enrique Mendiola na isinilang sa San Miguel, Manila noong 1859. Bukod sa pagiging abogado, naglimbag din siya ng ilang libro tungkol sa edukasyon at nagtayo ng ilang paaralan kabilang ng Burgos Institute sa Bulacan. Nagsilbi rin siyang founder at editor ng La Alborada, isang weekly school paper. -- FRJ, GMA News