Mga biktima ng flash floods sa Iligan City, mahimbing na ang tulog nang manalasa si ‘Sendong’
Hating-gabi nitong Biyernes nang magsimulang tumaas ang tubig-baha sa Iligan City -- isa sa mga lugar sa Mindanao na matinding pininsala ni "Sendong." Nang humupa ang baha pagsapit ng madaling-araw ng Sabado, bumungad ang lagim na iniwan ng rumagasang tubig. Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado ng gabi, sinabing hindi bababa sa 75 katao ang nasawi sa pinakamatinding pagbaha na naranasan ng Iligan. Ayon kay GMA News stringer Merlyn Manos, mabilis na tumaas ang tubig sa kanilang lugar sa Green Village Subd sa Brgy Hinaplanon kaya napilitang umakyat sa bubong ang mga tao. Habang tumataas ang tubig, naririnig umano ang hiyawan ng kanilang mga kapit-bahay. At paghupa ng tubig dakong 4:00 am ng Sabado, tumambad na ang lagim na iniwan ni "Sendong." Sa mga ipinadalang larawan at video ng ilang YouScoopers, makikita ang pinsalang tinamo sa iba’t ibang lugar ng lungsod. Kabilang dito ang mga nakuhang bangkay, mga nasirang bahay, at putik sa mga kalsada. Ayon kay Eric Carillo, residente sa Iligan, nakita niya ang ilan niyang kababayan habang bitbit ang mga nasawi nilang mahal sa buhay. "Iyong iba, talaga, naglalakad hawak-hawak nila ang anak nila, hawak-hawak nila ang ama nila... patay na. We are so blessed pa rin at kami ay kumpleto pa," pahayag ni Carillo. Mabilis ding kumalat sa Internet ang kuha ng Twitter user @mindanaoan na nagpapakita sa isang ama habang buhat ang kanyang walang buhay na anak na nababalot ng putik. Sa naunang ulat, sinabing aabot sa 180 katao ang nasawi sa mga pagbaha at pagguho ng lupa na naganap sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao bunga ng pag-ulan na idinulot ng bagyong “Sendong." Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi dahil sa dami ng mga nawawala. Ayon kay Iligan City Mayor Lawrence Cruz, ito na ang pinakamatinding pagbaha na kanilang naranasan. Bukod sa Iligan, matinding napuruhan din ng bagyo ang Cagayan de Oro City na pinapaniwalaang umabot sa 97 katao ang patay. Sa larawang ipinadala ng isang YouScoopers, ipinakita nito ang ilang sasakyan na nagpatong-patong. Ang eksena ay nagpaalala ng pinsalang idinulot ng bagyong Ondoy na tumama sa Metro Manila noong 2009. Sinabi ni Army spokesman Colonel Leopoldo Galon, na karamihan sa mga nasawi sa Cagayan de Oro ay mga bata. Ayon kay Supervising Undersecretary Graciano Yumul ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration, hindi ordinaryo ang ulan na ibinuhos ni “Sendong" sa Cagayan de Oro City. Ang ulan umano ni "Sendong" ay umabot ng 180.9 mm sa loob lamang ng isang araw, malayo sa 113 mm na karaniwang ibinubuhos na ulan sa lugar sa loob na ng buong Disyembre. "Hindi ito ordinaryong sakuna. Mismo mga iilan sa social workers natin ay apektado. Napakalaking pinsala nito so it has taken some time to establish some procedures," ayon kay Mayor Cruz. "Slowly we are putting everything in place at dahan-dahan namang na-attend-an ang mga tao," dagdag ng alkalde na nagbigay katiyakan sa tulong na ibibigay ng pamahalaan sa mga nasalanta. -- FRJ, GMA News