ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
PNoy, inutos ang implementasyon ng total log ban sa ARMM
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inutusan ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes ang bagong hirang na Autonomous Region in Muslim Mindanao officer-in-charge na si Mujiv Hataman sa pagpapatupad ng total log ban.
“Inaasahan ko rin pong buong-loob na ipatutupad ni ARMM OIC-Governor Mujiv Hataman ang ini-atas kong total log ban, na ang ulat po sa akin ay walang-habas na nilalabag ng mga illegal logger sa kanyang rehiyon,” ani Aquino sa kanyang talumpati sa Cagayan de Oro.
Tinuturong sanhi ang ilegal na pagtotroso sa naging pagbaha sa lungsod ng Cagayan de Oro at Iligan sa northern Mindanao nitong Biyernes sa gitna ng Bagyong Sendong.
Nauna nang inamin ni Environmental Secretary Ramon Paje na wala umano silang kontrol sa nagaganap na pangtotroso sa ARMM.
Kabilang ang Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Suli at Tawi-tawi sa ARMM.
“So ang ating itinalagang OIC ay inatasan na rin na imbestigahan ‘yung sitwasyon na kanina nga ay nireport sa atin na hindi huminto, hindi pinatupad yung logging ban sa ARMM,” ani Aquino.
“Meron po tayong general supervision sa mga opisyales sa ARMM, umpisa sa regional governor at pasasagutin natin bakit ba hindi niyo sinunod yung logging ban,” aniya.
Hinirang ni Pangulong Benigno Aquino si Hataman sa posisyon nitong Lunes ng hapon. Inatasan si Hataman na ipatupad ang bawat kahilingin ni Aquino para sa ARRM, ani Lacierda.
Si Hataman, dating representative ng Anak Mindanao partylist, ay dating kasamahan ni Aquino sa House of Representatives.
Nadawit siya sa Batasan bombing noong 2007 na nagresulta sa pagkamatay ng dating Basilan Rep. Wahab Akbar at iba pa. Nitong Oktubre 2011, ibinasura ng Department of Justice ang kanyang kaso. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular