ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang bangkay sa CDO sa landfill muna inilagay


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Aabot sa mahigit 100 na ‘di pa nakikilalang bangkay sa Cagayan de Oro — isa sa mga lugar na lubhang tinamaan ng bagyong Sendong nitong nakaraang Biyernes — ang pansamantalang inilagay sa isang landfill matapos tanggihan ng mga punenarya ang mga ito.   Matatagpuan ang nasabing landfill sa Zayas, Upper Carmen, ayon kay GMA anchor Jiggy Manicad sa isang exclusive report ng Quick Response Team ng GMA News TV nitong Martes ng hapon.   Ani Manicad, mananatili sa landfill ang mga bangkay habang tinutukoy ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan.   Ang mga bangkay na nakilala na ay agad na inilalagay sa ilang inihandang kabaong na yari sa plywood, dagdag pa ni Manicad. Ayon sa 6 a.m. na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 957 katao ang kumpirmadong patay habang 49 pa ang nawawala sa iba't ibang lalawigan at siyudad na naapektuhan ng bagyo.   Sa bilang na 579, natamo ng Cagayan de Oro ang may pinakamaraming bilang ng namatay dahil sa bagyong Sendong. Nalagpasan pa nito ang bagyong Ondoy na kumitil ng 464 buhay noong 2009.   Sa bagyong Sendong, umabot na sa 1,582 ang sugatan habang 432 naman ang nailigtas, ayon pa rin sa NDRRMC. Mahigit 63,079 pamilya sa 13 na probinsya naman ang naapektuhan, kung saan 9,743 ang nasa 62 evacuation centers.   Umaabot naman sa mahigit P1,936,415 ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian, kabilang dito ang P1,551,400 mula sa agrikultura sa CARAGA Region, at P385,015 naman sa Bicol.   Inutos na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagpapalabas ng P90 milyon para sa pagsasa-ayos ng mga nasirang tulay, P54 milyon para sa water system rehabilitation, at P150 milyon para sa automatic river water level sensors sa 18 pangunahing ilog. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News