ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang obispo nagpahayag ng pagkadismaya kay PNoy sa pagtugon sa kalamidad


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naglabas ng kanilang saloobin ang ilang obispo ng Simbahang Katoliko sa umano’y mabagal na pagtugon ng pamahalaan sa kalamidad na nangyari sa ilang lugar sa Mindanao. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, kinastigo rin ni Sorsogon Bishop Arturo Bastes si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, dahil sa pagdalo nito sa Christmas party ng Presidential Security Group sa harap ng nangyaring trahedya sa Mindanao partikular sa Cagayan de Oro at Iligan City. “Yung ginawa niyang pagpa-party habang daan-daang mga taga-Mindanao ang nasawi, tiyak pag-uusapan na naman tayo sa buong mundo and his reaction going to the victims in Mindanao is too late," pahayag ni Bastes sa panayam ng Radio Veritas nitong Martes. Naganap ang trahedya sa Mindanao bunga ng bagyong Sendong nitong hatinggabi ng Biyernes. Nalantad ang matinding pinsala ng bagyo pagliwanag ng araw noong Sabado. Samantala, Linggo ng gabi nang dumalo si Aquino sa Christmas party ng PSG sa Malacanang at nitong Martes ay nagtungo na ang pangulo sa Mindanao para bisitahin ang mga nabiktima ng kalamidad. Bilang ama ng bansa, sinabi ni Bastes na dapat naging mabilis ang pagkilos ni Aquino at ipinadama sa mga biktima ang kanyang pagmamalasakit. Inihayag naman ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na hindi na siya nagulat sa hindi kaagad pagbisita ni Aquino sa mga nabiktima ng kalamidad. Aniya, ganito rin umano ang naging pagkilos noon ni Aquino nang salantahin ng bagyong "Pedring" ang malaking bahagi ng Gitnang Luzon. Nauna nang ipinaliwanag ng Malacanang na hindi kaagad nagtutungo ang pangulo sa lugar na sinasalanta ng kalamidad upang hindi siya makagulo sa isinasagawang pagkilos ng mga kinauukulang ahensiya para tulungan ang mga biktima. Binigyan diin naman ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na dapat managot ang mga opisyal ng pamahalaan na nagpabaya sa tungkulin na nagresulta sa pagkasawi ng marami. Ayon sa arsobispo, matagal na nilang iminungkahi sa gobyerno na maglagay ng water shed o water basin protection sa lugar upang maiiwasan ang pagdaluyong ng tubig sa ibaba mula sa kabundukan. “Nagkokunsulta din kami tungkol doon dahil for a long time we’ve been asking water shed protection, water basin protection dahil ang maaapektuhan dito hindi lamang ang mga low land area ng Cagayan de Oro kundi maging ang north-western part ng Bukidnon," paliwanag niya sa hiwalay na panayam ng Radio Veritas. Naniniwala naman si Iligan Bishop Elenito Galido na may kinalaman ang malawakang illegal logging at pagmimina sa naganap na flash floods sa Iligan City at iba pang lugar sa Mindanao. Sinabi naman nina Manila Archbishop Luis Antonio Tagle at CBCP-NASSA chairman Bishop Broderick Pabillo, na dapat magsilbing “eye opener" sa lahat ang naganap na trahedya at kumilis na para ingatan ang kalikasan. - GMA News