ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Price freeze ipinatutupad sa buong bansa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ipinatutupad ngayon sa buong bansa ang price freeze sa mga pangunahing produkto alinsunod sa pagdeklara ni Pangulong Benigno Aquino III ng national state of calamity. Sa panayam ng DZBB kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Zeny Maglaya, ang price freeze o ang pag-control sa presyo ng mga pangunahing bilihin ay ipinatutupad sa buong bansa at hindi lang sa mga lugar na apektado ng kalamidad. Nilinaw ng DTI na ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay hindi dapat tumaas simula nang idineklara ang national state of calamity nitong Martes Pangulong Aquino, batay na rin sa Republic Act 7581. Kasama sa mga pangunahing bilihin ay ang bigas, sardinas, karneng baboy, karneng baka, manok, kape, mantika, sabong panligo at panglaba, tinapay, kandila, baterya at ang tinatawag ng essential drugs na idineklara ng Department of Health. Aabot sa 60 araw ang price freeze subalit maari itong paikliin o palawigin kung ipag-uutos ng Pangulo. Subalit nilinaw din ng DTI na hindi sakop ng price freeze ang mga presyo ng petrolyo sapagkat hindi ito kasali sa klasipikasyon ng pangunahing bilihin. Ipatutupad ang nasabing price control para maiwasan ang maanomalyang pagtataas ng mga bilihin sa iba't ibang bahagi ng bansa. Subalit sa pag-iikot ng dzBB sa Balintawak market, naitalang manaka-nakang gumagalaw pa rin ang presyo ng mga bilihin. Nirereklamo ng mga nagtitinda ang mga suppliers mula sa mga probinsiya na tumataas ang bagsak sa kanila ng presyo ng mga bilihin. Tinatanong din nila ang DTI kung paano maayos na mamomonitor ng pamahalaan ang mga presyo ng bilihin na binabagsak sa kanila ng suppliers. Ayon sa ulat ng DZBB, ito ang mga pinakahuling presyo sa pampublikong pamalihan: patatas P45/kilo, carrots P68/kilo, repolyo P40/kilo, bawang P33/kilo, spaghetti sauce regular pack P63, pasta medium size P55, fruit cocktail P164, baboy P140/kilo at ang gumagalaw na presyo ng manok P110/kilo. Simula last week 'di nagbabago ang presyo at may kaunting gumagalaw pero maliit lang. Walang balita kung may price freeze kasi ganun pa din ang pasa ng presyo noong nakailang lingo. Kaya me pagtaas ng presyo pa piso piso, dalawang piso, ayon sa report. — Lui Belmonte /LBG, GMA News