ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga sundalo, pinuri ni PNoy sa ika-76 anibersaryo ng AFP


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Martes ang kanyang pasasalamat sa naging desisyon ng Armed Forces of the Philippines na gawing simple na lamang ang pagdiriwang sa kanilang 76th anibersaryo at sa halip ibigay na lamang ang pondo para dito sa mga biktima ng bagyong Sendong. “Balita ko kanselado na ang inyong AFP ball at ang pondong sana’y gagastusin niyo sa pagdiriwang ay ilalaan na lang sa pagtulong sa mga biktima ng bagyong Sendong. Sa ngalan po ng bansa, maraming maraming salamat po sa inyong sakripisyo at pagbabayanihan,” ani Aquino sa kanyang talumpati sa pagdiriwang sa Camp Aguinaldo sa Quezon City. Maliban sa AFP ball, kinansela rin nila ang fireworks disploay at flyby exhibition ng Philippine Air Force. Sa kanilang pagkansela sa mga aktibidad na ito, nakalikom ang organisasyon ng mahigit P3 milyon. “Sa gitna ng kalungkutang idinulot ng trahedyang ito, muling nabuhay ang diwa ng bayanihan ng mga Filipino. Sa pangunguna ng bagong talagang Chief of Staff na si Lt. Gen. Jessie Dellosa, nagsilbing ehemplo ang ating mga sundalo sa wagas na pagbubukas-palad at pagmamalasakit sa ating mga kababayan,” ani Aquino. Sa kanyang talumpati, inihayag naman ni Dellosa ang kanyang alinlangang ituloy ang pagdiriwang sa kanilang anibersaryo sapagkat lubos silang nalungkot sa naging epekto ng bagyong Sendong. “Ngayong umaga ay hihiwalay tayo sa tradisyon ninyong nakikita tuwing ginugunita ang AFP anniversary. Ang mga rescue asset na ating inaabangan sa parade ay pinadala na natin lahat sa 4th Infantry Division,” aniya.   “Wala na rin ang exhibition ng Philippine Air Force sa pag flyby ng ating mga sasakyang panghimpapawid. Lahat ng ating matitipid sa pagdiriwang na ito ay gagawan natin ng paraan na maipadala lahat sa mga biktima ng kalamidad,” kanyang idinagdag. Inutos na rin ng pinuno ng AFP ang pagkakaroon ng simpleng selebrasyon lamang para sa Pasko. “Simple na din ang pagdiriwang ng ating Christmas parties dito sa general headquarters at ang iba nga ay kinansela na rin at nagbigay ako ng direktiba sa lahat ng unit commanders to do the same. Inalis na rin natin ang traditional na AFP ball na dapat ay mamayang gabi,” aniya. Nagpasalamat din si Dellosa sa mga sundalo na boluntaryong ibinigay ang kanilang subsistence allowance sa mga biktima ng Sendong. “Tunay nga na sa panahon na tayo ay nasa gitna ng unos ay mas nararamdaman natin ang diwa ng bayanihan,” aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News