Bangkay ng lalaki, nakitang naagnas sa creek sa San Carlos City
Nangangamoy at naaagnas na ang isang bangkay na natagpuan sa isang creek sa hangganan ng barangay Caoayan Kiling at Abanon sa San Carlos City, Pangasinan. Ayon sa pulisya, tinatayang tatlong araw nang nakababad sa tubig ang biktima bago ito natagpuan. Walang saplot sa katawan at tanging dalawang wristband lang sa kanang kamay ang palatandaan sa biktima. Nitong Martes ng umaga ay nakilala na ang biktima na si Mark Sherwin Posadas, 26-anyos, ng Brgy Calobaoan sa nasabi ring lungsod. Ayon kay Police Insp Gerardo Macaraeg, Intelligence Officer, ng San Carlos City, ang biktima ay kinilala ng kanyang mga kamag-anak. Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang Scene of the Crime Operative (SOCO) ng pulisya. Wala namang umanong nakitang foul play sa nangyari, at pagkalunod ang pinapaniwalaang dahilan ng pagkamatay nito. Lumitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na mayroon umanong sakit sa pag-iisip ang biktima. “Yung SOCO nag-conduct na rin ng imbestigasyon. Ayaw na rin nila ipa-autopsy dahil kumbinsido na sila sa pagkalunod ng biktima," ayon kay Macaraeg. - ALF/FRJ, GMA News