Conjoined twins, isinilang sa Dagupan City
Isinilang nitong Miyerkules ng gabi ang isang kambal na babae na magkadikit ang mga katawan sa Dagupan City. Ang kambal na isinilang ni Sarita Pristoza, 22-anyos, sa Region 1 Medical Center ay magkadikit ang katawan hanggang balakang. Pinangalanan ang dalawa na sina Sarah Mae at Sarah Grace. Bago pa maisilang, alam na raw ng mga magulang na conjoined twins ang mga bata. Kaya naman isinailalim sa caesarean section ang kanilang ina. Ayon kay Dr. Rodalyn Pantua, hindi naging madali ang pagkuha nila sa kambal. Bagaman husto sa buwan, tumitimbang lamang ng tig-three point eight pounds sina Sarah Mae at Sarah Grace. Ayon kay Dr. Michael Canto, hindi na maaaring mapaghiwalay ang kambal dahil dalawa lang ang kanilang mga paa at kamay. Bukod sa tig-isang ulo, mayroon silang dalawang puso, atay, baga at gulugod. Masusi silang inoobserbahan dahil bukod sa kanilang kondisyon, posible pa raw na magkaroon ng sepsis o pagka-impeksyon sa dugo sa kambal. Sinabi ni Pantua na sasailalim sa iba’t ibang pagsusuri ang kambal tulad ng CT scan at MRI para malaman kung kailangan silang operahan. Hindi naman napigilang umiyak ng kanilang ina dahil sa kalagayan ng kanyang panganay na mga anak. "Nanawagan po ako ng tulong para po sa operasyon upang mapaghiwalay ang aking mga anak," pakiusap niya. -- CJ Torida/FRJ, GMA News