Ilang flights, kanselado matapos balutin ng makapal na usok ang Metro Manila
Nakansela ang ilang flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dulot ng matinding smog na bumalot sa Metro Manila sa pagpasok ng taong 2012. Ayon sa Twitter account ng Cebu Pacific Air, ipinigil dakong 7:24 a.m. ang paglipad ng mga eroplano nito sa NAIA Terminal 3. "The Manila International Airport Authorities (MIAA) reported zero visibility due to thick fog/smoke surrounding the airport," nakasaad sa tweet. Dagdag pa nito, inilihis ang ilang flights na parating sa Manila patungong Diosdado Macapagal International Airport sa Clark, Pampanga. Nitong 8:00 a.m. lamang binuksan muli ng Cebu Pacific ang NAIA Terminal 3 para sa departing at arriving flights. "We hope for everyone's understanding as this is beyond the airline's control. We always put our passengers' safety on top priority. Thanks for understanding!," nakasaad sa anunsyo. Ayon sa Cebu Pacific, mayroong apat na flights patungong Manila ang inilihis patungong Diosdado Macapagal Airport sa Clark dahil sa low visibility sa NAIA Terminal 3. Kabilang sa mga ito ay: - 5J-550: Cebu to Manila - 5J-474: Bacolod to Manila - 5J-892: Caticlan to Manila - 5J-652: Tacloban to Manila Samantala, ikinansela ng Cebu Pacific ang kanilang anim na flights dahil sa low visibility at weather conditions. Ito ay ang: - 5J-893 and 5J-894: Manila to Caticlan at pabalik - 5J-519 and 5J-520: Manila to Naga at pabalik - 5J-821 and 5J-822: Manila to Virac at pabalik. – Amanda Fernandez, GMA News