ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gail Bautista iginiit na wala siyang kinalaman sa pagpatay sa kapatid na si Ramgen


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sinimulan na nitong Martes ang preliminary investigation sa mag-asawang Gail Bautista, kapatid ng pinaslang na aktor na si Ramgen "Ram" Revilla, at asawa nitong si Hiro Furiyama sa kasong murder at attempted murder. Ayon sa ulat ni Dante Perello para sa 'Balitanghali' ng GMA News TV, isinumite ni Gail ang kanyang counter-affidavit sa Parañaque Fiscals Office habang hiniling naman ng kanyang asawa na ibasura ang dalawang kaso laban sa kanila. Nadiin ang mag-asawa sa pagpatay kay Ramgen dahil sa affidavit ni Janelle Manahan, kasintahan ng biktima na prime witness din sa kaso. Magugunitang nakaligtas si Janelle sa pag-atake sa kanilang magnobyo noong Oct. 8 sa loob mismo ng bahay ni Ramgen sa BF Homes, Parañaque. Kabilang din sa mga suspek sa kaso ang dalawa pang kapatid ni Ramgen na sina Ramon Joseph Bautista at Maria Ramona Bautista. Ayon kay Manahan, nagsabwatan umano ang apat sa planong pagpatay sa kanyang kasintahan. Sex tape Samantala, nagbabala naman ang abugado ni Janelle na si Atty. Luke Espiritu na kakasuhan nila ng paglabag sa Anti-Voyeurism Act of 2009 ang magkakapatid dahil sa paglabas umano ng mga ito ng sex video ni Janelle at Ramgen sa Internet. Aniya, "The effect of this sex video is precisely in order to harass Janelle Manahan... To harass her so that she will feel emotional, psychological, mental stress in such a way na hindi na siya magte-testigo." Makikita sa naturang video ang intimate moments ng magkasintahang Ramgen at Janelle. Giit naman ni Genelyn Magsaysay, ina ng magkakapatid, wala umanong kinalaman ang kanyang mga anak sa paglalabas ng nasabing video. "Mula po ng panahon na nagkaroon ng krimen, na namatay si Ramgen, nawalan po kami ng access sa bahay po namin mismo. At wala po sa 'min ang kahit anong gadgets ni Ramgen. So paano po kami mai-implicate sa ganitong sitwasyon, when in fact pati po kami, damay sa sitwasyon?" aniya. Dagdag pa niya, "Hindi po namin papayagan iyon. Siguro kung nakita namin, siguro 'di mas itatago namin ‘yun. Hindi namin 'yun ilalabas kasi kawawa naman 'yung bata. Patay na nga 'yung anak ko, masisira pa." Bunsod sa pangyayari, nanawagan si Senator Ramon "Bong" Revilla Jr., half-brother ng magkakapatid, sa National Bureau of Investigation (NBI) upang humingi ng tulong sa pagtugis ng maysala. "Sobrang pambababoy ang ginagawa nila sa kapatid ko. Karumal-dumal na nga ang pagkamatay ni Ramgen, sinisira pa nila ang pagkatao. Mas grabe pa ang pambababoy na ginagawa nila kay Janelle. Grabe na ang kanyang pinagdaanan, at pilit pa nilang niyuyurakan ang pagkababae nito ngayon," ani Revilla sa isang statement. Samantala, ipagpapatuloy ang preliminary hearing sa darating na Enero 10 kung kailan nakatakdang isalang si Janelle. Sa Enero 17 naman haharap sa korte si Ramon Joseph. — KBK, GMA News