ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1,200 kilo ng mga gulay, gagamitin sa pagluto ng pinakbet para sa Talong Festival ng Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibibida ng mga residente ng Villasis, Pangasinan ang ipinagmamalaki nilang lutuin na pinakbet para sa selebrasyon ng Talong Festival sa Enero 20. Naabutan nga ng GMA News ang mga bugkos ng talong sa kahabaan ng Barangay Pias, Villasis na inani ni Cristy Racoso para dalhin sa bagsakan market. Sariwa ang mga gulay na indikasyon na maganda at masaga ang kanilang ani. Ayon kay Racoso, kung dati ay hindi naging maganda ang kanilang ani dahil sa mga nagdaang bagyo, ngayon daw naging maayos na ang mga naaning gulay lalo na ang talong. Isa lang siya sa mga talong farmer ng Villasis na nasasabik na sa pagsapit ng Talong Festival. Bukod kasi sa maganda ang kanilang bentahan sa panahong ito, proud din sila dahil nakikilala ang kanilang mga pangunahing produkto. Ang lokal na pamahalaan, puspusan na rin ang paghahanda. Tinatayang mahigit 1,200 kilos ng mga gulay gaya ng talong, ampalaya, okra, kamatis at sili ang nakatakdang gamitin para sa pinakbet sa kawa na bahagi ng kapistahan. “Nagso-source na kami ng mga pagkukunan," pahayag ni Reynaldo Mundo, Villasis Senior Agriculturist. Para sa mga taga-Villasis, “the best" ang kanilang pinakbet dahil sariwa ang mga gagamiting sangkap nito na pinitas sa mismong taniman nila. – JSSegui/GCalicdan/FRJ, GMA News