Patay na babae sa loob ng maleta, OFW mula sa Middle East
Overseas Filipino workers (OFW) mula sa Middle East ang babae na nakitang patay sa loob ng maleta na dala niya mismo nang umuwi siya sa Pilipinas nitong Martes. Bagaman Martes ng hapon nang dumating ang eroplano na kanyang sinakyan mula sa Middle East, nitong Miyerkules naman nang nakita ang mga labi ni Nepz Bahjin sa loob ng kanyang maleta na iniwan sa parking lot ng terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport. Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing madaling araw nitong Miyerkules nang makita ng mga guwardiya ang maleta sa parking lot ng paliparan. Pero hindi raw kaagad ito ginalaw ng mga nakakita sa pag-aakalang naiwan lamang ito ng may-ari. Wala ring CCTV camera sa parking lot kaya hindi makikita kung sino ang nag-iwan ng maleta. Ayon kay Pasay City Police Chief Superintendent Melchor Reyes, posibleng pinatay sa sakal si Bahjin, 22, anyos, tubong Patikul, Sulu. Sa hiwalay na ulat ng GMA News Saksi, sinabing umalis ng Pilipinas si Bahjin noon lamang Oktubre 2011 para magtrabaho sa Oman. Ang ama ni Bahjin na si Nidz Mar Bahjin, labis ang hinanakit matapos mauwi sa trahedya ang masaya sana nilang pagkikita. Nakausap daw nito minsan ang anak sa telepono at ipinaalam na hindi na niya kaya ang trabaho niya sa Oman. Gayunman, wala raw nabanggit ang anak na kaaway o banta sa buhay nito. Kaya naman wala raw maisip na dahilan ang nakatatandang Bahjin at mga kamag-anak nito kung sino ang nasa likod ng krimen. Problema rin ni Mang Nidz ang gastusin kung papaano maiuuwi sa kanilang lalawigan ang mga labi ng anak dahil sa kawalan ng pera. Nasa kostudiya na rin ng pulisya ang recruiter ni Nepz at si Gelyn Sawaban, na dapat na susundo sana sa biktima pero hindi sila nagkita sa airport. Bagaman tumangging magbigay ng detalye, sinabi ni Reyes nq may anggulo na silang sinusundan sa nangyari sa biktima. -- FRJimenez, GMA News