ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kargang aspalto ng sumadsad na barko sa Agno, pinapangambahang tumagas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi pa rin naaalis ang barkong sumadsad sa karagatang bahagi ng Barangay Macaboboni, Agno Pangasinan, na may kargamentong aspalto. May isang buwan na ang MV Chang Da 12 sa Aren Point sa Barangay Abagtanen sa Agno at nanggaling sa Indonesia bago naaksidente. Pero hanggang ngayon hindi pa rin umano nakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard ang Chinese company na nagmamay-ari ng barko. Nagdesisyon na ang mga kawani ng PCG na kumuha ng kumpanya na magsasagawa ng salvaging o kaya’y hihila sa barko. “Nag-intervene na kami sa tagal sa lugar mapanganib na rin," pahayag ni LTJG Dennis Rapal, PCG Station Commander. Sa isinumiteng survey report, dumadami at lumalawak ang mga butas sa ilalim ng barko. Ito’y dulot ng pagkakasampa nito sa bato na pinalala pa ng paghampas ng malalakas na alon. Sa cargo manifest ng barko, higit anim na libong metriko toneladang natural bitumen o aspalto ang laman nito, bagay na mapanganib kapag tuluyang tumagas sa karagatan. “Hanggang kakayanin, inaagapan pa namin iyong aspalto nito para hindi tumagas," dagdag ni Rapal. Nauna nang sinabi ng kapitan ng MV Chang Da 12 na ang masungit ng panahon ang dahilan ng pagkakasadsad ng barko noong Disyembre. Pero sa imbestigasyon ng PCG, lumitaw na bumigay ang steering ng barko dahil na rin sa kalumaan nito na abot apat na dekada na ang edad. Wala rin daw itong permit at insurance. “Not advisable na gamitin pa at maglayag. We will track the owner at may case ito," sabi ni Rapal. –JFArcellana/GLCalicdan/FRJ, GMA News