Obama, nagsalita vs outsourcing; negosyong ilalabas ng US, 'di raw dapat bigyan ng pabuya
Sa harap ng pangamba na baka bumagsak ang business process outsourcing (BPO) sa Pilipinas dahil sa nakabinbing panukalang batas sa US Congress, nagdeklara naman si US President Barack Obama na dapat bawasan ang suportang ibinibigay sa kanilang mga negosyante na dinadala sa ibang bansa ang kanilang negosyo. Ang pahayag ay ginawa ni Obama matapos nitong ilatag ang mga programa na magpapalakas sa pagnenegosyo sa US sa layuning makapagbigay ng mas maraming trabaho sa kanilang mga kababayan. “First, if you’re a business that wants to outsource jobs, you shouldn’t get a tax deduction for doing it," bahagi ng pahayag ni Obama sa State of the Union Address kaugnay sa plano ng kanyang gobyerno na bigyan ng suporta ang mga mamumuhunan. Puna ni Obama, nakakakuha ng tax break ang mga negosyanteng naglalabas ng negosyo, habang napupuruhan naman sa buwis ang mga nananatili at nagbibigay ng trabaho sa kanilang kababayan. “Right now, companies get tax breaks for moving jobs and profits overseas. Meanwhile, companies that choose to stay in America get hit with one of the highest tax rates in the world. It makes no sense, and everyone knows it. So let’s change it," aniya. “So my message is simple. It is time to stop rewarding businesses that ship jobs overseas, and start rewarding companies that create jobs right here in America. Send me these tax reforms, and I will sign them right away," dagdag ng US president. Ang naturang talumpati ni Obama ay nakalagay sa website ng White House. Una rito, iminungkahi ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na magpadala ng lobby team sa Amerika para hindi maipasa ang House Bill (HB) No. 3596 o “Call Center and Consumers Protection Bill. Layunin umano ng panukalang batas na pigilan ang mga kumpanya ng US na magsagawa ng outsourcing business sa labas ng US upang mapalakas ang kanilang ekonomiya. Nangangamba si Evardone, chairman ng House committee on public information, na malaki ang magiging epekto sa ekonomiya ng Pilipinas kapag nakapasa sa US Congress ang naturang panukalang batas. Ito ay dahil umaabot sa $9 bilyon ang kinikita ng Pilipinas sa naturang industriya at tinatayang 400,000 Pinoy na nagtatrabaho sa mga BPO center. “We have to act immediately by sending a strong lobby team in the US. I believe this will kill the BPO industry in the country," mungkahi ni Evardone sa kanyang pahayag. Ang naturang panukalang batas na nakabinbin sa US Congress ay sinasabing inihain ng ilang kapartido ni Obama na sina Reps. Tim Bishop (Democrat, New York), David Mckinly (Republican, West Virginia), at Mike Michaud (Democrat, Texas). Bukod sa mga ipinapadalang remittances ng mga overseas Filipino workers, sinabing ang kita sa BPO industry ang nagbibigay sigla sa ekonomiya ng Pilipinas. “We have to protect and promote our BPO industry, which is now the largest in the whole world. We have already overtaken by India in voice information technology-BPO. We are number two in the world in complex, non-voice services in range of sectors and services, like animation development and software processing," paliwanag ni Evardone. Sa isang press briefing noong Jan 11, nagpahayag naman ng kumpiyansa si Pangulong Aquino, na magpapatuloy ang mga American company sa pag-outsource ng tinatayag na non-core businesses. Naniniwala si Aquino na may kinalaman ang nalalapit na halalan sa US sa ginagawang pagsuporta ni Obama sa HB 3596. “We have to take into account that this is election year, perhaps those are election-related statements," pahayag ni Aquino. - FRJimenez, GMA News