ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Munting hiling ng 81-anyos na ‘padyak’ driver sa Mangaldan, Pangasinan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kabila ng kanyang edad na 81, napipilitan pa rin si Lolo Ipe na mamasada ng ‘padyak’ para kumita nang maipangtatawid niya sa araw-araw. Pero dahil mahina na rin ang kanyang tuhod, sinabi ni Lolo Ipe ng Brgy Anolid, Mangaldan, Pangasianan, na paisa-isang pasahero na lamang ang kaya niyang isakay. Sa luma niyang bisekleta, masasalamin ang dalawang dekada niyang pamamasada. Ngunit kailangan niya itong gawin upang may maipambili ng pagkain sa araw-araw. “Matanda na ako. Mabagal nang magpatakbo," pagtatapat ni Lolo Ipe. Sa kabila ng kanyang kalagayan, nagsisilbi namang siyang huwaran at inspirasyon sa kanyang mga kabarangay. Ayon kay Ricardo Tibunsay, nakakakilala kay Lolo Ipe, nakikita niya ang matanda na madaling-araw pa lamang ay kumakayod na sa pagpadyak. Pagkaawa at lungkot naman ang nararamdaman ng ilang kaanak ni Lolo Ipe dahil sa kanyang sitwasyon sa buhay. “Naaawa rin. Matanda na eh. Gabi na kung umuwi," ayon sa kanyang apong si Jessie De Vera. Espesyal naman ang turing ng iba pang namamasada ng padyak kay Lolo Ipe sa pilahan ng mga pasahero. Ang kaagapay niya ay ang batang padyak drayber na si Michael Bautista, 11-anyos. Inilalagay daw ni Michael sa unahan ng pila ang bisekleta ng matanda. Kada araw, kumikita lamang si Lolo Ipe ng P60 hanggang P100. Wala pang balak si Lolo Ipe na magretiro sa pamamasada. Hangad lamang niya ay magkaroon ng bagong bisikleta upang patuloy na nakapag-padyak. Matatag naman ang kanyang pag-asa na balang-araw ay mapapansin siya ng mga Kapusong may bukas na palad para tumulong sa kagaya niyang salat sa buhay. Kaya naman hiling ni Lolo Ipe ay matulungan siyang matupad ang kanyang pangarap para maitawid pa ang animo’y pagta-takipsilim niyang buhay. – CUTorida/GLCalicdan/FRJ, GMA News