ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Llamas, humingi ng tawad sa Aquino admin sa isyu ng pirated DVD


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Matapos masangkot sa kontrobersya dulot ng umano'y pagbili niya ng pirated DVDs, humingi ng paumanhin si Presidential Political Adviser Ronald Llamas sa Aquino administration at nagpahayag na handa siyang humarap sa anumang imbestigasyon ukol sa nasabing insidente.  Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Llamas na pinili niyang manahimik muna nang pumutok ang kontrobersya bilang paggalang kay Pangulong Benigno Aquino III. "It was the most prudent thing to do in light of the inquiry  that the Executive Secretary has launched," aniya.
 
"I didn’t want the government to expend its energy over regretful incident and so I submitted to the process that was launched and I am ready to face the findings and recommendations of the inquiry," dagdag pa ni Llamas.
Isinumite na rin ni Llamas ang kanyang written explanation sa kanyang pagkadawit sa kontrobersyang pagbili umano niya ng mga pirated DVD na may halagang P2,000, sa Quezon City nitong nakaraang linggo.
 
Sa isang-pahinang written explanation, sinagot ni Llamas ang mga paratang na nakasaad sa memorandum na inihain ni Executive Secretary Paquito Ochoa nitong Enero 27. Ayon sa isang staff ni Llamas, desisyon ni Ochoa kung ipalalabas ito sa media.
 
Sa memorandum na inilabas nitong Enero 27, inutusan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. si Llamas na “explain in writing within five days from receipt hereof why no administrative disciplinary proceedings should be taken against you.”
 
Si Ochoa ang intasang mamumuno sa imbestigasyon laban kay Llamas, ani deputy presidential spokesperson Abigail Valte.
 
Lumabas ang kanyang paliwanag limang araw matapos lumabas sa national broadsheet ang retratong nagpapakita sa pagbili ni Llamas ng mga pirated DVD sa isang stall sa Circle C mall sa Quezon City.
 
Sa naunang press briefing sa Palasyo, inihayag ni Valte na utos ni Pangulong Aquino ang paglabas ng memorandum.
 
Tumanggi namang magpahayag si Valte kung anong parusang ipapataw kay Llamas, sapagkat naayon umano ito sa ebidensya na ihahain at sa paliwanag ni Llamas. Aniya, mabibigyan muna ng pagkakataon si Llamas na ipaliwanag ang sarili.
 
“The President is expecting a written explanation and we will go from there,” ani Valte.
 
Nang tinanong kung ikinagalit ng Pangulo ang naging aksyon ni Llamas, ani Valte: “Short to say the President is concerned that’s why he wants an explanation."
 
Hindi ito ang unang pagkakataong nadawit sa kontrobersya si Llamas. Nitong nakaraang taon, mayroong isang high-powered assault rifle na natagpuan sa SUV ni Llamas matapos ang isang road accidente sa Quezon City. — Amanda Fernandez/RSJ/KG, GMA News
Tags: ronaldllamas,