ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Runway ng Lingayen airport, isinara na sa publiko dahil sa banggaan ng tricycle at eroplano


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tuluyan nang isinara sa publiko ang runway ng Lingayen Airport matapos ang pinakabagong aksidente na kinasasangkutan ng isang maliit na eroplano at pampublikong sasakyan na tricycle. Hindi pa rin daw akalain ng instructor pilot na si Capt. Queenie Gaviola at student pilot Jose Valledor Jr., na may biglang susulpot na dalawang tricycle sa kanilang harapan. Pa-take off na umano ang Cessna 152 nina Gaviola at Valledor sa runway number 8 ng Lingayen Airport nang biglang sumulpot ang dalawang nagkakarerang tricycle. Dahil sa pangyayari ay napilitan ang piloto ng eroplano na mag-emergency o pre-mature take-off pero tinamaan pa rin nila ang isa sa tricycle. Nagkaroon ng minor damage ang main landing gear at left horizontal stabilizer ng eroplano. "Definitely iyong tricycle… kasi wala dapat tricycle sa runway lalo," pahayag ni Capt. Richard Ricon, senior flight instructor Wala raw pagkukulang ang instructor at student pilot sa insidente, ayon naman sa Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP. "Naka-ikot pa nga siya sa traffic route mismo ng flying at pagbaba nila, doon na lang nalaman na ganoon pala," ayon kay Capt. Egon Nile Jordan A.T.C., OIC Lingayen Airport, CAAP Hindi umano ito ang unang pagkakataon na nangyari ang insidente dahil ayon sa CAAP, sagabal sa paglipad ng mga eroplano ang mga residente, sasakyan, at mga ipinapastol na hayop sa runway. Posible umano na sa hindi nabakurang bahagi ng Lingayen airport dumaan ang dalawang tricycle na hanggang ngayo ay pinaghahanap pa rin. "Walang guard kasi kulang ang tao ng CAAP, nag-request pa lang, ' ayon kay SPO4 Mario Masiglat Soriano, PNCOIC, Lingayen Airport Kasunod ng direktiba, ang mga operator at piloto na lang ng mga flying school ang pahihintulutang pumasok sa paliparan at dumaan sa runway. Humingi na naman ng pondo ang CAAP sa main office para mabakuran ang natitirang 400 square meters na kailangan nilang bakuran. "Ang tao kapag tinamaan ng propeler (ng eroplano) tiyak lasog ang katawan, kaya para na rin sa kaligtasan nila (kailangan bakuran)," dagdag ni Jordan. –JFArcellana, MSabado/GLCalicdan/FRJ, GMA News