Kaugnay sa kaso ni Corona: Llamas, itinangging naging emisaryo siya ng Palasyo sa INC
Mariing itinanggi ng kontrobersiyal na si Presidential political adviser Ronald Llamas na kinausap niya ang Iglesia Ni Cristo (INC) upang pagbitiwin si retired Justice Serafin Cuevas bilang lead counsel ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa impeachment trial. Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Llamas na walang sinuman sa Malacañang na nakipag-usap sa INC para i-pressure si Cuevas na magbitiw. "There was no emissary from the Palace — not I nor anyone else — for the simple reason that there was no pressure exerted whatsoever by Malacañang either on Justice Cuevas or the INC," pahayag ng opisyal. Bago ang usapin tungkol kay Cuevas, naging kontrobersiyal si Llamas dahil sa ulat na nahuli ito sa akto ng isang newspaper editor na namamakyaw umano ng pirated movies sa isang mall sa Quezon City. Isang linggo makaraan na lumabas ang naturang ulat, nagpalabas ng pahayag si Llama nitong Lunes, upang humingi ng paumanhin tungkol sa naturang insidente. (BASAHIN: Llamas, humingi ng tawad sa Aquino admin sa isyu ng pirated DVD) Noong nakaraang taon, isang mataas na kalibre ng baril naman ang nakita sa loob ng sasakyan ng opisyal na naging laman din ng mga balita. Sa isang ulat ng pahayagang The Manila Times nitong Martes, nabanggit si Llamas na siya umanong lumapit sa isang spiritual minister ng INC na kumausap kay Cuevas. Sa naunang hiwalay na ulat sa pahayagang Philippine Daily Inquirer, sinabi umano ni Cuevas na ginigipit siya ng Malacañang na magbitiw bilang bahagi ng defense team ni Corona. Kapalit umano ng kanyang pagbibitiw ang kaso ng sinibak na National Bureau of Investigation director Magtanggol Gatdula, na miyembro ng INC. Si Gatdula ay sinibak ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, dahil sa pagkakasangkot nito sa umano’y reklamo ng isang Japanese national ng kidnapping at extortion sa ilang tauhan ng NBI. Mariin namang itinanggi ni Gatdula ang paratang. Sa isang panayam ng dzBB, itinanggi ni Cuevas ang lumabas na ulat sa pahayagan. Pero nanindigan ang Inquirer sa kanilang istorya at naglabas ng transcript and audio recording sa sinasabing naging panayam kay Cuevas. Sinabi ni Llamas na batay sa lumabas na ulat ay inihayag ni Cuevas na ang naturang emisaryo ng Palasyo ay dati niyang estudyante. Kinilala naman ng isa pang nasa kampo umano ni Cuevas na si Llamas ang tinutukoy na emisaryo. "I was never a student of Cuevas, so how can I be that emissary," paliwanag ni Llamas. "It’s funny how the Corona propagandists are not tripping over one another with the lies they are trying to peddle to the public to divert attention from the damning pieces of evidence being unearthed against Corona," idinagdag ng opisyal. Nauna nang tinawag ng Palasyo na “diversionary tactic" ang naturang ulat tungkol kay Cuevas — FRJ, GMA News