Deployment ban, ipinatutupad ng DFA sa Iraq
Sa gitna ng kaguluhan sa Iraq, itinaas ng Philippine government ang alert level doon sa "3," kung saan hinimok ang mga overseas Filipino worker na nasa apektadong lugar na kusang umuwi na ng bansa. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang alert Level 3 ay nangangahulugan ng automatic ban sa pagpapadala ng mga Pilipinong manggagawa sa bansa iyon. Sa news release nitong Miyerkules, inihayag ng DFA na "Under Alert Level 3, Filipinos who wish to leave Iraq are offered voluntary repatriation at government expense." "A ban on the further deployment of OFWs is automatically imposed in coordination with the Department of Labor and Employment. Filipinos are likewise advised not to travel to the affected areas while alert level 3 is in effect," dagdag pa ng DFA. Apektado umano ang lahat ng rehiyon sa Iraq maliban na lamang sa northern autonomous region ng Kurdistan, malapit sa border ng Turkey. Base sa embassy registry, umaabot ng 192 ang OFWs sa Kurdish Region ng Iraq habang 279 naman sa ibang bahagi ng bansa, ayon sa DFA. Makikipagkita ang opisyal ng embahada sa mga employer ng mga Pilipinong nais manatili sa Iraq upang maipaliwanag sa kanila ang security protocol. Paliwanag ng DFA, nakabatay ang pagtaas ng alert level sa "higher-than-expected surge in terrorist and sectarian violence" sa Iraq matapos ang withdrawal ng United States sa kanilang military forces noong Disyembre 2011. Inutusan na ni DFA Secretary Albert del Rosario ang Philippine Embassy sa Baghdad na ipatawag ang mga nanatiling OFWs doon upang hikayating tanggapin reptriation offer. Sa kanyang pahayag nitong nakaraang linggo, sinabi ni Del Rosario na: “We had expected some increase in violence after the US Forces pullout, but not to the extent that it has happened.” Aniya, mayroong 29 “incidents of violence” mula January 1 hanggang 15 nitong taon, 14 nito ay naganap sa Baghdad, capital ng Iraq. Mahigit 4,000 na Pilipino ang sumasa-ilalim sa pagbabantay ng US military, ngunit dahil sa unti-unting pag-alis ng US troops doon, nanganganib na rin ang kanilang proteksyon. "In addition, we further believe that there may be undocumented Filipinos working as household service workers and we are, therefore, fully committed to ensuring the safety and welfare of all our countrymen in Iraq," ani Del Rosario. Ayon kay Del Rosario, matapos umano ang pag-alis ng US, kinakailangan nilang matukoy kung ilan pang Pilipino ang natitira, kung saan sila matatagpuan, at kung nakatatanggap ba ng sapat na proteksyon. "We believe that their security may have become questionable and we may need to take them out of harm's way," aniya. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News