ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Walang shoot to kill order vs Palparan, ayon kay Robredo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ibinasura ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo ang mga suwestiyon na magpalabas ng shoot to kill order laban sa nagtatagong si retired military general Jovito Palparan. Iginiit ng kalihim na dapat mahuli ng buhay si Palparan para maiharap sa korte at malitis sa kasong nakabinbin sa Bulacan, kaugnay sa pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines. “Ginagawa naman namin ang lahat, at ayaw kong magbigay ng shoot to kill order," pahayag ni Robredo sa media matapos magsalita sa dinaluhang talakayan sa Bulacan. Kabilang sa mga nananawagan na magpalabas ng shoot to kill order laban kay Palparan si Erlinda Cadapan, ina ng isa sa nawawalang UP students. Kasabay nito, pinabulaanan din ni Robredo ang mga hinala na itinatago lang mismo sa loob ng kampo militar si Palparan. Hinamon ng kalihim ang mga nagpaparatang na nasa kampo ng militar si Palparan na maglabas ng katibayan at pangalanan kung sino man ang nagkakanlong dito. Inihayag naman ni Atty Edre Olalia, tagapagsalita ng National Union of People’s Lawyers (NUPL), na dapat makasuhan at papanagutin din ang mga taong tumutulong kay Palparan para makapagtago sa batas. – RR/FRJ, GMA News