Bersyon ng Palasyo sa FOI bill, isinumite na sa Kamara
Isinumite na ng administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ang bersyon ng Palasyo sa Freedom of Information (FOI) bill sa House of Representatives, kasabay ang pagnanais ng executive department na mabigyan ng mas malawak na access ang mga mamamayan sa mga impormasyong hawak ng gobyerno. Nakabatay umano ang bersyon ng Malacañang sa bersyon na inihain ni Deputy House Speaker Lorenzo Tañada III, maliban na lamang sa probisyon ukol sa pagbuo ng "Information Commission." Sa kanyang talumpati sa ika-112 anibersaryo ng pahayagang Manila Bulletin noong Hiwebes, sinabi ni Aquino na naipadala na sa araw ding iyon ang FOI bill sa Lower House. “We want every other administration voted into power to work under the same standard of transparency and accountability that we have set for ourselves. This is a significant step toward achieving that goal,” aniya. Ayon naman kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, maaari umanong hindi maisama ang FOI bill sa priority measures ng administration ngunit sisikapin pa rin ng Palasyo na maipasa ang naturang panukala. “The FOI bill version we submitted [Thursday] was crafted way after decision on the 13 priority measures was made. President Aquino has finally authorized a version and we will pursue it vigorously,” ayon kay Valte sa isang text message. Ipinag-utos ni Aquino sa Gabinete noong nakaraang buwan ang pagsulong sa FOI bill. Intensyon Matatandaang sinabi ni Communications Group Undersecretary Manolo Quezon III noong nakaraang buwan na isang bagay lamang ang pagkakaiba sa bersyon ng Palasyo sa FOI bill ni Tañanda -- ito ay ang ipinanukalang pagbuo ng Information Commission. Ayon sa kanya, "Aquino felt the commission would just add another layer of bureaucracy." “The overall intention of this whole exercise, besides making it as democratic and consultative as possible, was precisely because we were all working under the view that we had to make the constitutional injunction making information a right of the public a living reality,” Quezon said then. Matatandaang isinusulong ng "The Right to Know, Right Now! Coalition" -- grupo ng mga taga-media at civil society organizations -- ang "transparency in government." Inakusahan ng grupo si Aquino ng "double-talk" hingil sa "freedom of information policy" ng gobyerno. Binatikos din nito ang Pangulo dahil umano sa kawalan ng political will dahil sa mahigit isang taon nitong pagkaluklok sa puwesto ay hindi pa rin naisulong ang FOI bill na isa sa kanyang mga ipinangako habang nangangampanya pa siya. Iginiit ng grupo na, "the FOI legislation is needed to provide substantive, procedural, and institutional guarantee to the people’s constitutional right to information." Nakabinbin sa Kamara ang pinagsamang bersyon ng FOI bill mula pa noong Pebrero noong nakaraang taon. Nakabinbin din sa Senado ang ilang mga bersyon ng panukala na magkahiwalay na inihain ng 11 na mga senador. Nilalayon ng FOI bill ang pagpapatupad ng Article III, Section 7 at Article II, Section 28 ng 1987 Constitution na gumagarantiya sa karapatan ng mga mamamayan na ma-access ang mga impormasyon at mga dukomentong may kinalaman sa "public interest." Ang naturang access ng mga mamamayan ay dapat napapaloob sa “reasonable conditions" na isinasaad sa batas. Nabigo ang House of Representatives noong June 2010 na pagtibayin ang FOI bill dahil sa "lack of quorum" at sanhi na rin ng mga objection ng ilang mga kongresista. — LBG, GMA News