Batang nangarap maging pulis, nasawi sa aksidente
Isang aksidente sa kalye sa Dinalupihan, Bataan ang tumapos sa pangarap ng isang siyam na taong gulang na lalaki na maging pulis. Dapit-hapon nitong Linggo nang tumawid sa kalsada si Al Natividad, grade 2 pupil, para manood sana sa peryahan sa Brgy Colo, Dinalupihan. Pero hindi na niya nasilayan ang masayang peryahan dahil nahagip siya ng isang rumaragasang van na patungong Olongapo. Mabilis namang sumugod para tumulong kay Natividad si Rosendo Lozano, barangay kagawad ng Colo. Pero idineklarang dead on arrival ang biktima nang madala sa Dinalupihan District Hospital. Simple lang ang pamumuhay ni Natividad kasama ang kanyang mga magulang sa Parapal, isang upland sitio sa Brgy Mabiga, Hermosa, Bataan. Inilarawan si Natividad ng mga nakakakilala sa kanya bilang mabait at masipag na mag-aaral. Lagi raw nitong sinasabi na pangarap niyang maging pulis. Samantala, inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa drayber ng van na si Avelino Duron ng Sta. Rita, Olongapo City. Mabilis umano ang takbo ng van at kinailangan pa itong habulin para papanagutin sa naganap na aksidente. – EEsconde/FRJ, GMA News