PNoy, kinastigo dahil malamya raw ang kampanya vs kriminalidad
Pinuna ng isang retiradong arsobispo ng Simbahang Katoliko ang pagiging malamya umano ng kampanya ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, para sugpuin ang kriminalidad sa bansa. Sa panayam ng Radyo Veritas nitong Martes, sinabi ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz, na walang pagbabago sa programa ni Aquino sa paglaban sa kriminalidad muna nang mamuno ito sa bansa. “Simula’t simula naman ay talagang ganyan 'yan. Ang ating Pangulo naman talaga ay mahina. Ang alam ko ang mga kapulisan ay naging mahusay lamang noong panahon ni Senador Panfilo Lacson," ayon sa arsobispo. Si Lacson ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police sa ilalim ng administrasyon noon ni dating pangulong Joseph Estrada. Ayon kay Cruz, tumaas ang kaso ng kidnapping sa ilalim ng administrasyon ni Aquino at patuloy na nagaganap ang mga extra-judicial killings at iba pang karumal-dumal na krimen na hindi nalulutas. Kasabay nito, nanawagan din si Sorsogon Bishop Arturo Bastes, sa PNP na kumilos kontra sa paglaganap ng krimen lalo na kung ang mga sangkot at misyong mga pulis din. Higit umanong nakadidismaya kung ang mga dapat sanang magpatupad ng batas ay silang mga nasasangkot sa krimen. “Nakakalungkot dahil may mga pulis na kurap at kung tawagin pa ay mga iskalawag, sila pa itong nasasangkot sa krimen. Dapat they have moral and right conduct dahil tagapagpatupad sila ng batas," ani Bastes sa hiwalay na panayam ng Radyo Veritas. Pabor umano ang obispo sakaling hindi na armasan ang mga pulis kung gagamitin din lang ito sa paggawa ng krimen. “Ang mga pulis before wala naman gamit na baril, batuta lang. Sa totoo lang dahil sa baril na ‘yan maraming pulis ang nasasangkot pa sa pamamaril," dagdag ni Bastes. Iniuugnay ng obispo ang pagtaas ng krimen dahil sa kahinaan ng pangulo at law enforcement agencies, laganap na kahirapan, paglala ng problema sa ilegal na droga, kawalan ng moralidad, at kawalan ng pagpapahalaga ng tao sa buhay. -- MP/FRJ, GMA News