ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilan pang testigo para idiin si Corona sa PAL-FASAP case, ipatatawag


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Ilan pang testigo ang nakahandang ilabas ng prosekusyon para patunayan ang umano’y kinalaman ni Chief Justice Renato Corona sa pabago-bagong desisyon ng Supreme Court hinggil sa labor dispute sa pagitan ng Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines (FASAP) at Philippine Airlines (PAL).   Sinabi ito ni public prosecutor Rep. Kaka Bag-ao sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Corona sa Senado nitong Miyerkules matapos sabihin ni Sen. Loren Legarda na sa kabila ng testimonya ni FASAP president Roberto Anduiza, hindi pa rin malinaw kung ano ang kaugnayan ng mga liham ni PAL lawyer Estelito Mendoza sa Article III ng Articles of Impeachment. Tinutukoy ni Legarda ang mga liham na ipinadala ni Mendoza sa Korte Suprema noong Setyembre 13, 16, 20, at 22 nitong nakaraang taon. Ayon sa FASAP, complainant sa kaso, ang mga liham na ito umano ang dahilan sa pag-recall ng korte sa nauna nitong desisyon na pabor sana sa grupo. Sa paglilitis nitong Miyerkules, inihayag ni Bag-ao na iba umano ang pagtanggap ng high court sa mga liham ng FASAP kung ikukumpara sa pagtanggap nito sa mga liham ni Mendoza. Aniya, hiniling pa ng korte na bigyan ng FASAP ng kopya ng kanilang liham ang PAL. "Pero kay Mendoza, hindi sila pinadalhan ng kopya at subject pa siya sa administrative matter... Malaki ang connection sa akusasyon namin na magkaiba ang trato," ani Bag-ao. Bumalik sa witness stand si Anduiza ngayong Miyerkules para sa cross-examination ng defense. Nitong Martes, sinabi ni Anduiza na malaki ang naging papel ni Corona sa pag-recall ng ruling sa kaso ng FASAP dahil kabilang umano siya sa mga bumoto rito. Sa mga nakaraang ruling, naka-inhibit ang punong mahistrado sa kaso. Sa pagdinig nitong Miyerkules, iginiit ni lead defense counsel Serafin Cuevas na ang recall order sa labor case ay tumutukoy lamang sa motion for reconsideration at hindi sa kaso mismo. "What was reconsidered is not the original decision... There is no revocation of the original decision," ani Cuevas. "The controversy [revolves around] the denial of the second motion for reconsideration and it is still pending before the SC en banc." Dagdag niya: "It has nothing to do with the multi-million peso award to FASAP members. The original decision stands." — Amanda Fernandez/KBK/KG, GMA News