Kaso ng diarrhea sa Bani, Pangasinan, ikinabahala
Naalarma ang Rural Health Unit ng Bani, Pangasinan sa biglang pagtaas ng bilang ng mga residente sa lugar na tinamaan ng sakit na diarrhea. Mula noong unang linggo ng Pebrero, nakapag-tala na ang RHU ng 160 kaso ng pagtatae na dinala sa iba’t-ibang pagamutan. Karamihan sa kanila ay nasa edad isa hanggang pito. Kabilang sa mga pasyenteng inabutan sa health center ay si Manong Nestor Rabaja. Noong linggo raw nagsimula siyang makaranas ng pagsakit ng tiyan, pagdudumi at pagsusuka. Isa sa posible umanong dahilan sa pagkakaroon ng diarrhea ng mga residente ay ang tubig na kanilang iniinom. “Most areas na na-survey, Nawasa ang source sa water district," ayon kay Dr. Ma Elena Olores-Olino, RHU officer. Pebrero 7 nang magpadala umano sila ng apat na random water samples, kunsaan dalawa ang naging negatibo ang resulta. Samantalang hinihintay pa ang resulta ng natitirang dalawa pa. Nakipag-ugnayan na rin ang RHU sa kanilang water district patungkol sa problema, ayon pa kay Olores-Olino. Patuloy naman ang pamamahagi ng sodium hypochlorite na ipinapatak na 3.5ml sa bawat limang galon ng tubig, upang matiyak na ligtas ang kanilang tubig na iinumin. Ipinaalala rin ang pagpapakulo ng tubig na hindi bababa sa sampung minuto at linising mabuti ang mga ginagamit sa pagluluto ng pagkain. -- Joyce/Daryl/FRJ, GMA News