ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lider ng minorya sa Kamara, aminadong mahirap ma-impeach si PNoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Aminado si House Minority Floor Leader Rep. Danilo Suarez na mahihirapan silang ma-impeach si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III kung pagbabatayan ang dami ng kaalyado nito sa Kamara de Representantes. Ang pahayag ay ginawa ni Suarez, kaugnay sa inihaing reklamo ni Danilo Lihaylihay, presidente ng Philippine Association of Revenue Informers, Inc., na nag-aakusa kay Aquino na nagpabaya sa pagbenta sa SM Investment Corporation ng lupaing pag-aari ng gobyerno sa Baguio. Sa panayam ng media nitong Martes, sinabi ni Suarez na ang malaking bilang ng mga kaalyado ni Aquino sa Kamara ang magiging hadlang para umusad ang impeachment complaint laban sa pangulo. “It won’t fly," pagtatapat ng kongresista nang hingan ng pahayag tungkol sa reklamo ni Lihaylihay na ipinadala sa kanyang tanggapan. Sa kabila nito, sinabi ni Suarez na pinag-aaralan na nila ang ipinadalang impormasyon ni Lihaylihay tungkol sa naganap na bentahan ng 3.4-hektaryang lupain na kilala bilang “Governor’s Park’’ sa Session Road, halagang P500-milyon. “It is my duty to analyze this request (ni Lihaylihay) for impeachment. I am the leader of the opposition and I must explain this to the members and the people," paliwanag niya. Sa ngayon, tinatayang 29 lamang ang oposisyon sa Kamara na binubuo ng mahigit 300 kongresista. Sinabi ni Suarez, na inatasan na niya ang kanyang mga tauhan para makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng pamahalaan para alamin kung may katotohanan ang reklamo ni Lihaylihay na napagkaitan ng tamang buwis ang gobyerno sa nangyarihang bentahan. “I am in the process of verification. I want to know the veracity of the request of Mr. Lihaylihay," ayon kay Suarez na nangakong magiging matibay ang impeachment complaint laban kay Aquino sakaling totoo ang alegasyon ni Lihaylihay. Nauna nang ipinaliwanag ni Aquino na ang transaksiyon sa naturang lupain ay nangyari bago pa man siya maupong pangulo. Sinuportahan naman ito ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na nagsabing nagsimula ang transaksyon sa lupain noon pang termino ni dating pangulong Fidel Ramos at nakumpleto ang dokumentasyon noong 2011. - RP/FRJ/KG, GMA News