ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mosyon na bawiin ang subpoena sa peso accounts ni Corona, ibinasura ng Senado


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinanggihan ng Senate Impeachment Court nitong Miyerkules ang mosyon ng defense team na ibasura ang subpoena para sa peso bank accounts ni Chief Justice Renato Corona. "Since the bank account...is a peso account, the chair reiterates its ruling given yesterday [Tuesday] that our purpose here is to find out whether the respondent has not included in his SALN [the deposits in] his account," deklara ni Senate President Juan Ponce Enrile, presiding officer ng impeachment court. Sinabi ni Enrile na ang peso bank accounts lamang ang maaaring buksan upang masuri dahil sinusunod nila ang temporary restraining order (TRO) na ipinataw ng Korte Suprema kaugnay sa dollar bank accounts ni Corona. "It [peso accounts] is removed from the ambit of the TRO given by the Supreme Court being a peso account. It [peso accounts] is open for examination," ayon kay Enrile. Nitong Martes, hiniling ng kampo ni Corona sa Senado na ibasura ang subpoena sa mga executive ng Philippine Airlines (PAL), Bank of the Philippine Islands (BPI), at Philippine Savings Bank (PSBank). Kaugnay nito, hiniling din nila sa Senado na ibasura ang subpoena sa mga bank document ni Corona mula BPI at PSBank, at pati na rin ang travel documents ng punong mahistrado sa PAL. Pekeng dokumento? Samantala, inalam naman si Sen Loren Legarda kay Enrile kung paano nila tatratuhin ang mga umano'y pekeng bank documents na inihain ng panig ng prosekusyon sa Senado. "How can they be material?" tanong ni Legarda. Sinang-ayunan naman si Sen Pia Cayetano ang puna ni Legarda na tinawag niyang "continuing concerns." "The Senate is not in any way tolerating any violations of law in order to obtain evidence," ayon kay Cayetano. Idinagdag ng senadora, na taliwas sa naunang inihayag ng prosekusyon, may mga senador na nagpahayag ng manipestasyon tungkol sa mga pekeng dokumento. "It is not an issue we let pass," diin ni Cayetano. Kinatigan naman si Enrile ang pananaw ng iba niyang kasamahan na nararapat lamang na hindi ipasa ng prosekusyon sa Senado ang trabaho na mabigay ng patunay sa mga dokumento. Gayunman, bibigyan umano niya ang mga ito ng "due course" at "presume good faith." Dagdag ni Enrile, magkakaroon ng caucus sa susunod na linggo upang mapakinggan ang paliwanag ng prosecution team tungkol sa mga dokumento. - Amanda Fernandez/FRJ, GMA News