ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinoy boxer na nasangkot sa riot sa Argentina, nakauwi na sa Ormoc City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman ng Pinoy boxer na si Johnriel Casimero nang nakauwi na ito sa kanyang bayan sa Ormoc City. Dumating si Casimero sa Ormoc City nitong Miyerkules ng hapon sakay ng isang fast craft mula sa kalapit na lalawigan ng Cebu. Nakangiti ito nang unang makita at nagkwento tungkol sa nangyaring insidente sa Argentina matapos niyang matalo ang kalaban. Sa City Tourism Office ay sinalubong sila ng mapakaraming kababayan na ikinararangal ang naging tagumpay niya sa nakaraang laban. Matapos ang pakikipag-usap sa media, isinunod kaagad ang maiksing motorcade na isinagawa sa commercial area sa Ormoc. Matapos ang kasiyahan, naging emosyunal na si Casimero nang dumating ito sa kanilang bahay sa Brgy. Can-untog kung saan naburol ang kanyang kapatid na si Jerald. Tahimik na umiyak at napaupo sa sahig ang boksingero habang hawak ang larawan ng namatay na kapatid. Bago pa man ang naging laban niya sa Argentina, dala ni Casimero ang bigat sa dibdib dahil sa nangyari sa kapatid. Pero hindi raw niya ito ipinahalata sa kanyang mga kasamahan upang hindi sila mag-alala. Naging kontrobersiyal ang naturang laban ni Casimero sa Argentina dahil nagwala ang mga tagasuporta ng tinalo niyang kalaban. Pinagbabato ng mga bagay gaya ng silya ang grupo ni Casimero sa ibabaw ng lona. May mga taong nanuntok din sa kanila. Upang makaiwas sa labis na bugbog, napilitan silang magtago sa ilalim ng ring. Ang naturang insidente ay matinding kinondena ng senador ng Pilipinas. -- Ronnie Roa/FRJ, GMA News