Paggamit ng styrofoam at plastic, ipagbabawal sa Palarong Pambansa
Ipagbabawal ang paggamit ng mga plastic at styrofoam material, partikular sa mga gamit sa pagkain ng mga delegado kasali sa gaganaping Palarong Pambansa sa Pangasinan. Ang kautusan ay kaugnay na rin ng umiiral na plastic ban ordinance sa Lingayen, na pagdarausan ng Palarong Pambansa sa Mayo. Mahigpit na tututukan ang mga tindera na magbebenta ng pagkain sa Palarong Pambansa na nakalagay sa styrofoam at plastic. “Meron tayong waxed cartons, ‘yung mga ginagamit sa fishball, pwede nilang gamitin yun," pahayag ni Councilor Judy Vargas, Committee on Environment, Lingayen, Pangasinan. Nakikipag-ugnayan na rin daw ang LGU-Lingayen sa mga fast food chain sa bayan para sumunod sa ordinansa. “By the end of this year, gagamit na rin sila ng waxed cartons at mga paper plates," dagdag ni Vargas. Suportado naman ng ilang manlalaro at coach sa Pangasinan ang naturang ordinansa. Anila, alang-alang sa ikabubuti at ikaaayos ng paligid, susunod sila sa patakaran. Tila hindi naman sang-ayon dito ang ilang mga tindera ng pagkain. Mas mahal daw kasi ang mga paper bag at paper plate kumpara sa styrofoam at plastic utensils. Gayunpaman, nanindigan ang mga opisyal na mahigpit nilang ipapatupad ang plastic ban katuwang ang Palarong Pambansa Committee. Kasalukuyan nang pinag-uusapan ang information drive para rito. –ICAndrada/GLCalicdan/FRJ, GMA News