ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Psycho issue’ kay PNoy, binuhay ni Corona


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Muling nabuhay ang usapin tungkol sa psychological record ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, na naging kontrobersiyal noong panahon ng kampanya sa 2010 presidential elections. Sa isang pahayag nitong Biyernes, hinamon ni Chief Justice Renato Corona si Aquino na ipakita nito sa publiko ang sariling Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), pati na ang banks at psychological records. "Marahil, higit na makabubuti kung ilabas ninyo, Ginoong Pangulo, ang inyong SALN, at ipaliwanag ito sa taong-bayan. Siguro, isama ninyo na rin ang inyong bank accounts at psychological records na matagal ng isyu. Mayroon po tayong obligasyon na ipakita sa taong-bayan na maayos ang ating pag-iisip," ayon kay Corona. Ang usapin tungkol sa umano’y kondisyon ng pag-iisip ni Aquino ay naging kontrobersiyal noong 2010 presidential elections matapos lumabas ang isang ulat na sinasabing nanggaling sa Ateneo de Manila University's Psychology Department at pirmado ni Father Jaime Bulatao. Gayunman, itinanggi ni Bulatao na siya ang gumawa ng naturang ulat at hindi rin umano niya pirma ang nakalagay dito. ‘Di dapat makialam si PNoy Ang pahayag ay ginawa ng punong mahistrado, isang araw makaraang banatan muli ni Aquino si Corona sa harapan ng mga estudyante sa isinagawa nitong pulong-bayan. Ayon kay Corona – na nililitis ng Senate Impeachment Court – hindi umano dapat pangunahan, pakialaman at impluwensiyahan ni Aquino ang ginagawang paglilitis sa kanya ng Senado. "Mayroon pong proseso ang impeachment proceedings, at iyan po ay nakasaad sa ating Saligang Batas at sa mga alituntunin at kalakaran sa Senado. Hindi po ba't kayo ang pumili ng hakbang na ito at nagdulog nito sa Senado?" tanong ng punong mahistrado. Kabilang sa mga ibinibintang kay Corona ng kampo ng taga-usig ay ang hindi umano pagdedeklara ng punong mahistradp ng lahat ng kanyang mga ari-arian sa kanyang SALN. Nitong Huwebes, muling hinamon ni Aquino si Corona na ilahad sa publiko ang kanyang mga bank account kung wala naman daw itong itinatago. Linya raw ni Arroyo Bilang tugon sa patutsada ni Corona, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigal Valte, na ginagamit lamang ng punong mahistrado ang linya umano ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “Nakakalungkot pong marinig mula sa ating Punong Mahistrado ang mga linyang naririnig mula kay Ginang Arroyo," saad sa hiwalay na pahayag ni Valte. “Kung ginamit na lamang sana niya ang pahayag na ito upang linisin ang kanyang pangalan, hindi na sana bumaba ang antas ng pampublikong diskurso ukol sa isyung ito. May naidulot po bang mabuti ang pahayag ni Ginoong Corona? Wala," dagdag ng opisyal. Inakusahan din ni Valte si Corona na patuloy na inililihis ang atensiyon ng publiko mula sa tunay na isyu sa impeachment. “Patuloy pa rin pong inililihis ni Ginoong Corona ang usapan. Uulitin po namin: Wala pong personalan dito; sistemang pangkatarungan ang aming ipinaglalaban," anang tagapagsalita. “Sinasabi niyang tutugunan niya ang bawat paratang, ngunit siya mismo ay naghain ng petisyon sa sarili niyang bakuran upang itigil ang paglilitis." -- KJ Tan/FRJimenez, GMA News