ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tauhan ng MMDA, kinuyog umano ng mga drag racer sa Macapagal Blvd


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagtamo ng sugat sa katawan at ulo ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos umanong pagtulungan ng mga nagda- drag race sa Macapagal Boulevard sa Pasay City. Sa ulat ng GMA News TV Balitanghali, sinabing naganap ang insidente nitong madaling-araw ng Sabado sa Roxas Boulevard sa Maynila, na malapit sa Macapagal Blvd. Nakalabas na rin ng ospital ang tauhan ng MMDA na kinilala lamang sa pangalang Reuterez. Bukod sa sugat, nagtamo siya ng mga pasa sa katawan. “Kinuyog ng mga drag racers yung bantay na MMDA sa Macapagal. Putok ulo one of our constables (The drag racers )," nakasaad sa Twitter account ni MMDA traffic discipline unit head Yves Gonzalez. Ayon naman sa isa pang tauhan ng MMDA, tinatayang 30 lalaki umano ang nag-abang at humarang sa biktima sa Roxas Boulevard. Sinabi naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na buong puwersa silang babalik sa Macapagal Blvd sa Sabado ng gabi sakaling makita ang mga gumulpi sa kanyang tauhan. Susuriin din umano kung may kuha ng CCTV camera sa lugar para makilala ang mga sangkot sa naturang insidente. Dahil sa nangyari, lalong paiigtingin ng MMDA ang kampanya laban sa pagkakarera ng mga sasakyan sa naturang lansangan. Hihilingin din umano ng ahensiya sa nakasasakop na lokal na pamahalaan na ipagbawal ang pagbebenta ng alak sa gasoline station kung saan madalas umiistambay ang mga nagda-drag race. Bukod sa mga lumalahok sa karera, sinasabing may iba pang sangkot sa naturang bawal na gawain. Kabilang dito ang mga pumupusta ng malaking halaga na nagsasama-sama sa isang lugar na malayo sa mga mismong nagka-karera. -- FRJ, GMA News