ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PRC, nababahala sa pagbaba ng kalidad ng nursing education


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpahayag ng pagkabahala ang Professional Regulatory Commission (PRC) sa kalidad ng nursing education sa bansa, matapos mapansin ang pagbaba ng passing rates sa nakaraang nursing board examination. Ayon sa PRC, mas mababa ang 33.92 percent passing rate nitong Disyembre 2011 kung ikukumpara sa 35.25 percent noong Disyembre 2010, na tinaguriang 'lowest in history' ayon sa Commission on Higher Education (CHED). Aabot lamang sa 22,760 ang pumasa sa 67,095 na kumuha ng exam noong Disyembre. Isinisisi ng mga awtoridad ang mababang kalidad ng mga nursing school sa pagbaba ng percentage ng mga nakapasa. Ayon sa PRC, Karamihan sa mga nakapasa ay patungo sa daan ng unemployment sapagkat nagkaroon na ng oversupply ng nurses ang bansa. Patuloy naman ang panawagan ng Labor officials ng bansa na huwag kumuha ng kursong nursing mga magsisimula pa lamang ng kolehiyo. Noong 2004, idineklara ng CHED ang moratorium sa pagbubukas ng mga bagong nursing schools dahil sa pagbaba ng kalidad at oversupply ng nurses. Sa kabila nito, daan-daan paring bagong nursing schools ang nagbukas sapagkat, dahil na rin umano sa "political pressure," napilitin ang CHED na maghinayhinay sa pagpatutupad ng moratorium. Sa panayam ng GMA News reporter na si Jun Veneracion, inihayag ni PRC Board of Nursing Chairperson Charmencita Abaquin: “Kami naman ay nababahala doon sa nakikita naming trend. Kahit sino naman sigurong nasa lugar namin, mababahala rin.” Ayon sa PRC, dahil sa patuloy na pagdami ng nursing students, hindi na natutukan ang kalidad ng pagtuturo. “If they keep on accepting first year [students], what do you expect? Tuluy-tuloy ‘yan, walang katapusan ‘yan,” ani Marco Santo Tomas, miyembro ng PRC Board of Nursing. [Dapat] patapusin muna kung ano’ng meron diyan, pahintuin muna ‘yung pag-aaccept [ng estudyante], so that nakikita mo talaga ‘yung crop ng maaayos na graduates from maaayos na eskuwela.” Kakulangan sa training Ayon sa tala ng CHED, dumoble ang bilang ng nursing schools mula 2006 – mula sa 200, naging 491 na ngayon. Mula 2000 hanggang 2010, mahigit dalawang milyon na ang nagtapos ng nursing, ngunit karamihan sa mga ito ay hindi nakapasa ng board exams. Para kay Carmelita Divina Gracia, dean ng University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center, wala umanong sapat na bilang ng mga ospital kung saan maaaring ma-train ng maayos ang mga nursing student. “We consider nursing to be at the bedside. We don’t acquire the competencies in the classroom setting. It has to be done in the community, in the hospital,” aniya. Ayon naman kay CHED Executive Director Julito Vitriolo, naging "oversubscribed" na kurso ang nursing sa bansa; patuloy ang pagtaas ng enrolment rates sa kabila ng kakulangan ng job vacancies, na nagresulta sa oversupply ng graduates. Mahigit 400,000 na nurses ang unemployed ngayon. Ayon sa Alliance of Young Nurses Leaders & Advocates International sa kanilang January-2011 statement sa Senado, mahigit 200,000 nurses ay walang trabaho habang, ayon sa tantiya ng PRC, mahigit 300,000 naman ang underemployed. Karamihan sa kanila ay nagbabayad sa mga ospital upang mag-volunteer ng trabaho, para lamang makakuha ng experience sa pag-a-apply nila ng trabaho sa ibang bansa. Iwasan ang kursong nursing Iginiit naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa incoming college students na pumili na lamang ng ibang kurso na mayroong high employment potential. Sa panayam ni Howie Severino para sa "News To Go" noong Huwebes, inihayag ni DOLE Labor Communications Director Nicon Fameronag: “’Yan ang pakiusap natin… Kung magiging realistic ka about it, na kapag ikaw ay nakatapos ng nursing, mahihirapang maghanap ng trabaho kasi may oversupply [dito sa Pilipinas.]” “Pinupunteriya nila kapag nag-enroll sila ay makapagtrabaho sa ibang bansa, subalit may mga bansa naman [kung saan] hirap nang pumasok ang nurses,” dagdag pa niya. Kabilang na umano rito ang mga bansa tulad ng Japan, kung saan kinakailangan ng language training; at sa United States naman, mas mataas ang unemployment rate kumpara sa Pilipinas. “Kung gusto lang rin ng mga magulang na ma-recover agad ‘yung investment nila sa education, kung maaari ay kumuha na ng kursong patok, na maikli ‘yung period between graduation and ‘yung paghahanap ng trabaho,” ani Fameronag. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News