We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
E. San Juan, Jr.
Kawiliwili ang silid na ito, hantungan ng iyong paglalakbay. Halina't maupo dito sa harap ng punong pino sa may durungawan. Di nasaling ng nagmamadaling takbo ng daigdig ang pusong namamahinga. Halika't magnilay tayo sa panahong dumadaloy, magmuni-muni sa karanasan at pangyayaring umaatikabong humahabol sa daluyong ng trapik sa labas. Sa silangan, may umuusad at lumalagitik na aninong di ko mahulo... Sa kanluran, may anasan ng umiihip na hanging di ko alam kung saan galing... Walang daan sa harap... Iyon ay mga bakas lamang ng aking paa. Nakahuhumaling humimpil sa silid na ito, di ba? Ngunit Kung nais mong magpatuloy, sige, huwag magpaabot ng dilim— hayo na! Ang hakbang mo ang lilikha ng landas— landas na hinihiwa ng tutubi at sinusukat ng pakpak ng paruparo.