ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sen. Lapid nagsalitang muli sa impeachment trial ni Corona


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa ikalawang pagkakataon mula nang magsimula ang impeachment trial noong Enero 16, tumayo si Senator Lito Lapid nitong Lunes sa podium upang tanungin ang testigo sa umano'y pekeng bank records ni Chief Justice Renato Corona.   Sa ika-20 araw ng pagdinig, tinanong ni Lapid si PSBank-Katipunan manager Anabelle Tiongson kung may mga camera bang naka-install sa loob ng vault ng bangko.   “Ms. Witness, may camera ba sa loob ng vault?” aniya.   Sumagot naman si Tiongson na mayroon sa labas ngunit wala sa loob ng vault.   Pabiro namang inihayag ni Lapid na mukhang “haggard” at pagod si Tiongson.   “Pagod ka na ba? Parang haggard na haggard ka na? Nung [una kang tumestigo] tawa ka nang tawa,” ani ng senador mula Pampanga.   Ayon kay Tiongson, mayroon siyang sore throat.   Itinanong rin ni Lapid kung ang mga dokumentong ipinakita ni Mindoro Rep. Reynaldo Umali at Quezon City Rep. Jorge "Bolet" Banal ay tunay nga bang peke.   Sagot naman ni Tiongson, "different" umano ang mga dokumentong ito. Giit niya, hindi nagmula sa kanya ang mga dokumento.   “It is different [from our documents]. I did not give him [the documents] your honor,” aniya.   Agad namang bumalik si Lapid sa kanyang upuan at inihayag: “’Yun lamang po, Ginoong Pangulo… Maraming salamat po.”   Naunang nagsalita si Lapid noong Pebrero 1 kung saan itinanong niya sa prosecution kung ano ang pinagka-iba ng loan sa cash advance. — Amanda Fernandez/VS, GMA News