ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 na reklamo vs PNoy, natanggap ng oposisyon sa Kamara


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Umabot na umano sa tatlo ang reklamong natanggap ng oposisyon sa Kamara de Representantes na humihiling na ipa-impeach si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Pero pag-amin ni House Minority leader Rep Danilo Suarez, ilan sa mga ito ay mahina at hindi seryoso ang basehan para mapatalsik ang pangulo. Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, sinabi ni Suarez, na nakatanggap sila ng dalawang sulat mula kay Atty. Oliver Lozano, na humihiling na ipa-impeach si Aquino. “My office got two requests from Atty. Lozano to impeach President Aquino, but these requests are baseless and cannot be considered impeachable offenses," ayon sa lider ng oposisyon sa Kamara. Ang dalawang reklamo umano ni Lozano laban kay Aquino ay tungkol sa pagpapataw ng Department of Justice ng hold departure order (HDO) kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at ang pagtutol ni PNoy na mailibing sa Libingan ng mga Bayani si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. Sa Kamara nagsisimula ang proseso ng pagpapatalsik sa mga impeachable official -- gaya ng pangulo, bise presidente at mga mahistrado ng Korte Suprema -- kaya dito ipinapadala ang mga reklamo. Bukod sa reklamo ni Lozano, isang sulat din mula sa nagpakilalang grupo ng mga “retired officer" ang natanggap ng minorya na humihiling na patalsikin si Aquino dahil sa pagbibigay ng gobyerno ng pondo sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Wala umanong pangalan na nakasaad sa sulat na nag-akusa kay Aquino ng “betrayal of public trust" dahil sa pagpayag daw nito na magpalabas ng P5 milyon bilang donasyon sa MILF sa pulong na naganap noong September 2011. “Ang mga ganitong letter ay hind ko masyadong pinag-aaksayahan ng panahon," patungkol ni Suarez sa mga sulat na walang pangalan. Ang isa pang reklamo na pinag-aaralang mabuti ng oposisyon ay ang reklamo ni Danilo Lihaylihay, kaugnay sa pagbebenta ng pamahalaan ng lupaing pag-aari ng gobyerno sa Baguio City sa SM Investment Group. Bintang ni Lihaylihay, nagpakilalang presidente ng Philippine Association of Revenue Informers, Inc., nagkaroon ng “massive tax fraud" sa naturang bentahan ng lupain na sinimulang ipasubasta noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos at natapos nitong 2011. Humingi umano ng palugit ang mga kasapi ng oposisyon sa Kamara na pag-aralan pa ang sulat ni Lihaylihay kaya hindi sila kaagad nakapagdesisyon nitong Lunes kung susuportahan ang reklamo, ayon kay Suarez. -- RP/FRJ, GMA News