ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga magsasaka at guwardiya, nagkagirian sa Hacienda Luisita


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naging tensyunado ang sitwasyon sa Hacienda Luicita matapos magkagirian ang mga magsasaka na miyembro ng Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita o AMBALA at mga security guard ng isang bangko sa Brgy Balete sa Tarlac City. Nagsimula ang iringan sa magkabilang panig matapos pinigilan ng mga magsasaka nitong Lunes ang paglalagay ng bakod ng mga security guard ng RCBC Bank na nakabili ng 500 ektaryang bahagi ng lupain sa Hacienda Luisita. Iginiit ng Ambala na walang karapatang bakuran ng RCBC Bank ang lupang nabili sa hacienda dahil ito’y bahagi ng lupaing iniutos ng Korte Suprema na ipamahagi sa mga magsasaka. “Bumabase lang kami sa 1996 conversion na inilabas ng DAR at di nila nagawa. Kaya dapat lang na ibalik ang lupain na ito," ayon kay Felix Nacpil, chairman ng ULWU-Ambala. Umaabot sa 300 miyembro ng Ambala at humigit kumulang sa 100 security guard ng nasabing bangko ang nagkagirian. Sinasabing ilang ulit ding nagpaputok ng baril ang kampo ng mga security guard. Pero ‘di raw pasisindak ang mga manggagawang bukid. “Hindi dapat kami matakot dahil pinaglalaban namin ang ating karapatan. Kung sino man ang nagpaputok, ‘wag kaming takutin dahil naghahanda pa kami kung ano pa ang balak nilang gawin," dagdag ni Nacpil. Ang nakikitang solusyon ng Ambala ay humarap at makipag-usap sa kanila ang pamunuan ng RCBC. Mananatili naman ang mga pulis sa lugar hanggang mapahupa ang tensiyon sa pinag-aawayang lupaing nabili ng RCBC Bank. “Inaagapan po namin na huwag silang magkaabot kasi mahirap na pong may masaktan," pahayag ni SPO1 Algoso, PCP 9 ng Tarlac. Tikom naman ang bibig ng mga security guard sa nangyaring gulo at ipinaliwanag na sumusunod lang sila sa utos. Sinubukan din ng GMA News na kunan ng panig ang pamunuaan ng RCBC Bank pero tumanggi na silang magbigay ng pahayag. –ASTulagan / GLCalicdan/FRJ, GMA News